Ikaw ay ang lugar na hindi nila mararating
Kahit minsan, ang iyong mga ngiting may lakip
Na simbuyo na wari ba’y isang uyaying aking
Pinipitas sa dilim ng magdamag,
Ang iyong mga daliri na siyang nagsilbing hiraya
Na pumupunit at tumatahi sa aking pagsinta,
Ang iyong mga kamay na ang layo mula sa akin ay
Isang tibok, na pinapangarap kong mahawakan
O maabot,
Ang damping sulyap ng iyong mga matang nilalatagan
Ng hindi mabilang na bulaklak, ay ang natatanging
Bangong gumugunaw sa aking mundo, at ang aking
Pagkawasak ay hindi ko mapigilan, sapagkat sa
Pagkawasak na yaon lamang kita nararamdaman.
Bahagya kang namukadkad upang masilip ko
Ang kagyat mong liwanag,kumapit ka sa aking
kamay na kay tagal mo nang hawak, ang iyong
mga himbing na pagkilos sa aking mundo’y may
dalang katahimikan,
kamay na kay tagal mo nang hawak, ang iyong
mga himbing na pagkilos sa aking mundo’y may
dalang katahimikan,
Isang katahimikang dumaluhong sa kuna ng sanlibutan.
At ikaw ay aking hahaplusin, sa pamamagitan
Ng mga nakaw na tingin, habang ikaw ay
Sumasarat bumubukas sa aking harapan,
Parang ang unang halik ng ulap sa kalawakan,
Kasing tamis nang pagdampi sa rosas ng unang
Patak ng ulan…
paghinga, na kinintalan nang dalisay na
pagkurap ng mata, at sa simbuyo ng iyong ngiting
aking minumutya, ang ihambing ka sa kalikasa'y
hindi ko kailanman magagawa...
sapagkat... marupok ang sangang sa hangi'y yumuyukod,
malamig ang uyaying sa mga alo'y nagpapatulog,
hindi sila kawangis ng ganda mong taglay ay hinahon,
at sa pagitan ng iyong mga daliring santwaryo
ng bawat kong dapithapon.
Maaaring sa muli nating paglipad ay hindi
magbabago ang mundo, maaaring muli'y
mawasak ang daigdig nating binuo, ngunit
kumapit ka sa pangako kong dahilan ng
aking paghinga, at hahayaan kitang maidlip
sa aking tabi at hindi ka kailanman mag-iisa.
Hindi ko man maunawaan ng lubusan, kung ano
Ang gayumang iyong tangan, na sa aki’y humalina’t
Hindi ko na matakasan, ngunit ako’y magpapatangay
Sa iyong kinang, hindi kita bibiguin Mahal, ako'y hindi
lilisan, sapagkat sa loob ng iyong mga
ngiti ay ang paraisong inilihim natin sa kumukupas
na kalikasan…
