Ang damping sulyap ng iyong mga matang nilalatagan
Ng hindi mabilang na bulaklak, ay ang natatanging
Bangong gumugunaw sa aking mundo, at ang aking
Pagkawasak ay hindi ko mapigilan, sapagkat sa
Pagkawasak na yaon lamang kita nararamdaman.
Bahagya kang namukadkad upang masilip ko
Ang kagyat mong liwanag,kumapit ka sa aking
kamay na kay tagal mo nang hawak, ang iyong
mga himbing na pagkilos sa aking mundo’y may
dalang katahimikan,
Isang katahimikang dumaluhong sa kuna ng sanlibutan.
At ikaw ay aking hahaplusin, sa pamamagitan
Ng mga nakaw na tingin, habang ikaw ay
Sumasarat bumubukas sa aking harapan,
Parang ang unang halik ng ulap sa kalawakan,
Kasing tamis nang pagdampi sa rosas ng unang
Patak ng ulan…
Doon, sa paraisong tinaningan nang isang libong
paghinga, na kinintalan nang dalisay na
pagkurap ng mata, at sa simbuyo ng iyong ngiting
aking minumutya, ang ihambing ka sa kalikasa'y
hindi ko kailanman magagawa...
sapagkat... marupok ang sangang sa hangi'y yumuyukod,
malamig ang uyaying sa mga alo'y nagpapatulog,
hindi sila kawangis ng ganda mong taglay ay hinahon,
at sa pagitan ng iyong mga daliring santwaryo
ng bawat kong dapithapon.
Maaaring sa muli nating paglipad ay hindi
magbabago ang mundo, maaaring muli'y
mawasak ang daigdig nating binuo, ngunit
kumapit ka sa pangako kong dahilan ng
aking paghinga, at hahayaan kitang maidlip
sa aking tabi at hindi ka kailanman mag-iisa.
Hindi ko man maunawaan ng lubusan, kung ano
Ang gayumang iyong tangan, na sa aki’y humalina’t
Hindi ko na matakasan, ngunit ako’y magpapatangay
Sa iyong kinang, hindi kita bibiguin Mahal, ako'y hindi
lilisan, sapagkat sa loob ng iyong mga
ngiti ay ang paraisong inilihim natin sa kumukupas
na kalikasan…
Kapag binabasa ko ang mga tula mo, parang kinakausap mo ako at doon ko nararamdaman ang koneksyon natin sa isa't isa. Hindi man tayo mag-usap o madalas magkita, sa mga simpleng nakaw na tingin at sulyap ay parang kilala mo ang buong AKO, at dahil sa iyo, gusto kong maniwala sa Kapalaran. Gusto kong maniwala sa soulmate...
Marami nang nagtangkang umabot sa kamay ko para lang lumabas ako sa kahong kinalalagyan ko, ngunit nanatili ako sa loob nito... ngunit ikaw, Ngumiti ka sa akin at kinausap mo ako sa pamamagitan ng iyong mga walang muwang na talinghaga, hindi lamang ang kamay ko ang inabot mo, pati na din ang puso ko, hindi lamang katawan ko ang inilabas mo sa kahon, pati na din ang kaluluwa ko.
Oo. Mahirap namang aminin na minsan sa buhay mo, kailangan mong mag-isa. Tanggap ko na 'yun, ayoko nang umarte at mag tantrums pa, ito na nga siguro ang destiny ko, kung totoo man ang destiny, ito na 'yun, ang mag-isa kapiling ang aking mga devotions, ang aking mga kasinungalingan, ang aking mga secret emotions, at isa kang pinagpalang tao kung hindi pa nagtatagpo ang ating kapalaran.
Mas magandang huwag mo na akong makilala...
Mas magandang huwag mo na akong kilalanin pa.
… saglit na pagkamatay, aking akin lamang na sandali.
Tibok ng walang hanggan.
Wala nang bumubulong… wala na din akong naririnig na katahimikan, wala kahit malilinggit na ingay o hiyaw mula sa ‘di kalayuan… walang mga nababasag na luhang kristal na tigib ng alaalang madalas malikha ng aking imahinasyon… walang sukat, walang timbang…
ang tanging umaalingawngaw sa aking isipan ay ang mga mahihinang dasal na parang nagmumula sa isang taong malalagot na ang hininga, mga dasal ng naghihingalong kahapon, mga dasal ng sinikretong sigaw na minsa’y pumuno sa buhay kong pinatatag ng pagkukunwari’t kasinungalingan.
… ibinaon ko ang aking mga kamay sa kumunoy ng mga sapantahang hindi ko mapatunayan, ngayon… kailanman.
at sa mga oras na ito’y nais kong magpalamon sa kinahuhumalingan kong pagkawasak, ngunit hindi,
Napakakulay. Dito'y mahal mo ako... dito'y ako lamang ang nais mo.
Dito'y magkahawak kamay nating pinapanood ang paglubog ng araw,
tanging tayo lamang dalawa...
Ngunit ang mundo'y hindi kailanman magiging isang diretsong linya ng mga panaginip, isang hanay ng mga dapit hapon at ariwanas dahil lumuluha din ang langit...
Nabibigo din ang panaginip.
sa bawat taludtod, sa bawat saknong, pagkatapos o bago ang mga naghihinampong tuldok ay ang mga laktaw... laktaw sa bawat panaginip, sa bawat bangungot, laktaw sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingang gawa lamang ng ilusyunadang puso't isipan.
at hahakbang ako pasulong at paatras... paulit-ulit, at sinusundan ako ng maraming laktaw na iyon. Marami, maraming marami. Kung ang bituin sa langit ay nabilang ko, ang mga laktaw ay hindi... sumabog sila sa paligid ko at kasama nila akong nadurog.
at matatagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng mga laktaw na iyon, patuloy na nalilito. Naguguluhan.
Hindi ko nais mabuhay sa gitna ng mga espasyo at laktaw, lalong hindi ko nais makulong sa mga saknong. Ngunit sa paghahanap ko sa dulo ng mga salita nang pagkaroon at pagkawala, nalaman ko na minsan, ang panaginip ko'y hindi din ako kayang kalingain...
May mga pagkakataong pansumandaling humihinto ang daigdig sa pag-inod, at sa mga sandaling iyon, lahat ay hindi kikilos... lahat ay magiging manhid. Maliban sa ating dalawa.
Ikaw at Ako.
Lamang.
Matitira tayo sa gitna nang kahintuan at wala tayong ibang madirinig kundi ang rumaragasang tibok ng pagod na nating mga puso.
sa gitna ng isang napakalawak na laktaw ng ating mga panaginip...
at sa pagluwag ng mga yakap, sa panlalamig ng halik, batid kong mayroong natatapos. Tulad nang paghihintay natin sa pagbagsak ng bulalakaw, at ang hindi nito pagdating, tulad nang pagkapagod ng iyong mata sa pakikipagtitigan sa akin, tulad nang pagkabagot mo sa pag-abang ng talang mahuhulog mula sa langit... tulad nang pagkapagod mong maghintay, tulad nang pagkasawa mong humiling.
Minsan, darating sa buhay natin na makakakita tayo ng isang napakaputlang dapit hapon...
Matagal tagal na din akong naghihintay sa iyo, marami ang nagsasabi sa akin na darating ka, malapit na kaya nag-aabang ako. Lagi akong nakatayo dito sa kanto, inaabangan ka... ilang yosi na din ang nahithit ko at iniiwasan kong tumingin sa orasan. Ayoko kasing malaman na matagal na pala mula nang magsimula akong maghintay sa pagdating mo. Malapit na kasing malanta ang rosas na hawak ko na balak kong ibigay sa iyo, kusot kusot na din ang papel na sinulatan ko ng isang tulang babasahin ko kapag nagkita na tayo. Natutunaw na din ang tinta ng ballpen dahil sa madalas siyang mabasa ng pawis ko. Ang tagal tagal mo... pero huwag kang mag-alala, maghihintay ako hanggang sa tuluyan kang maligaw dito sa kalyeng ito na pinag-aabangan ko sa iyo.
Alam mo ba na ilan na din ang dumaan dito, inakala kong ikaw na sila, ngunit nagkamali ako. Dahil dumaan lang sila at umalis din, hindi kasi nila maintindihan ang isang bahagi ko na kapag ipinakita ko na sa kanila'y laging nagiging dahilan ng kanilang paglayo. Nililisan din nila ako, umaalis din sila, at lagi nila akong iniiwanan ng pait at sakit sa dibdib. Minsan tuloy naiisip ko na hindi ako sapat para sa kanila, o kaya'y talaga nga bang napakahina kong babae at hindi nila kayang manatili sa buhay ko, iyong pananatiling hindi na sila aalis, hindi na nila ako iiwang mag-isa? Pero hindi, lagi pa din akong nag-iisa. Nakakalungkot, kaya naisip ko na hindi sila Ikaw, dahil alam ko na Mamahalin mo ako, alam ko na iingatan mo ako at uunawain, kikilalanin mo ako at hinding hindi mo ako sasaktan.
Mamahalin mo ako.
Kaya kahit gaano pa katagal, hihintayin kita dito. Hindi ako aalis. Darating ka, naniniwala ako doon.
Noong nakaraang August may isang babaeng napadaan dito, saglit na nakipagkwentuhan sa akin at nahulog ako sa kanya, dahil inakala ko na siya ay Ikaw na hinihintay ko. Ngunit hindi, dahil ibang direksyon ang tinahak niya pagkatapos, napadaan lang siya saglit, dahil katulad ko'y kapwa kami naghahanap ng makakausap. Kapwa kami malungkot, ngunit hindi kami pinagtagpo ng kalungkutang iyon, sa halip, iyon pa ang naging dahilan kung bakit hindi niya ako magawang mahalin.
Kaya't nang lumakad na siya palayo'y wala na akong nagawa, pinagmasdan ko na lamang ang kanyang paglisan. Gusto ko siyang pigilan ngunit alam kong hindi siya mananatili sa buhay ko kahit kailan.
Isa lamang siya sa mga napadaan...
Ayokong mainip, umaasa akong darating ka, kaya nga kaht na ilang bagyo pa ang dinanas ko dito, nanatili akong nakatayo, pinipilit ko pa ding palakasin ang sarili ko para sa pagdating mo. Nakakapagod, ngunit hindi ako susuko. Hindi kita isusuko, at sigurado ako na sa pagdating mo, magiging masaya na ako, hindi mo na ako hahayaang mag-isa at lumuhang muli. Ikaw ang yakap na magkakanlong sa akin, ang halik na papawi sa lahat ng takot ko at pag-aalinlangan.
At nangangako akong mamahalin kita ng higit pa sa unang beses, sa pangalawang beses at pangatlong beses akong nagmahal, ikaw ang pang-apat na babaeng iibigin ko at sa iyo ko iaalay ang lahat lahat ng mga pirasong natira sa akin mula sa pagkabasag na dinanas ko sa kanila at sa lahat ng taong nanakit sa akin.
Ikaw ang magliligtas sa akin, at iibigin mo ako, hindi dahil sa kailangan kita kundi dahil sa kailangan mo ako, aangkinin mo ako para sa kanilang lahat na tumalikod at nang-iwan sa akin. Ikaw ang itatangi ko sa lahat.
Kaya maghihintay ako sa iyo.
Sa ngayon, hindi ko pa alam kung anong hitsura mo, kung malambing ka ba katulad ni Celine, kung Matalino ka ba at maganda katulad ni Hazel, kung kasing misteryosa mo ba si Andrea... kung tsinita ka ba o may malaking mata, kung maputi ka ba o morena, hindi din naman iyon mahalaga...
Malapit ng magpasko, ipinagdadasal kita alam mo ba? sana ikaw ang maging christmas gift sa akin ng Diyos, sana ang pagdating mo ang bubungad sa akin sa pagbubukas ng bagong taon.
Kagabi, parang bigla akong bumata nang labing anim na taon. napaka pamilyar nang pakiramdam, sabi ko sa sarili ko, dapat kapag dumadating ang ganitong pagkakataon dapat sanay na ako, dapat ‘di na ako nakakanti ng lungkot, dapat sa edad kong ito at dapat sa lahat nang dinanas ko, hindi na ako masasaktan.
tahimik ang buhay ko kahapon. walang masyadong diskurso at rigudon sa opisina, kahit na maraming trabaho at halos kasing kapal ng RA 9184 ang papeles ng mga suppliers na kailangan kong tawagan at kausapin para sa additional requirements nila at sa dami ng notices at resolution na dapat lakarin at i-follow up ay tahimik pa din ang buong maghapon ko, dahil naging abala ang utak ko sa trabaho at nakaligtaan ko ang mga bagay na nagpapabigat sa loob ko. pero dumarating talaga ang sandali na mauupo ako, bibigyan ng break ang sariling mag-isip, magyosi at magpahinga, at doon ko na naman mararamdaman ang chaotic resonance na nampe-pressure sa utak ko.
ayokong i-kwento ang mga bagay na iyon o ang mga dahilan, pero marami sila, minsan nga hindi ko na alam kung sino sa kanila ang uunahin kong pansinin, kasi lahat sila, nangangalabit, nagpapapansin, hindi nila ako nilulubayan, lagi silang nandiyan,
nananakit.
ganitong ganito ang pakiramdam ko noon, noong eleven years old ako, pagkatapos maganap sa buhay ko ang isang pangyayaring naging malaking parte sa paghubog sa akin kung ano man ako ngayon, kung bakit napakarami kong teenage angst, kung bakit madalas kong binebrainwash ang sarili kong utak sa mga bagay na ayokong tanggapin, dahil ayoko itong paniwalaan, dahil gusto ko itong takasan na lamang sana.
naaalala ko, pagkatapos iyong mangyari, naupo lamang ako sa isang sulok ng kwarto at nag-isip. maraming tanong ang biglang nagsulputan sa utak ko noon, mga katanungan na hindi ko masagot, sabi ko noon, ang bata bata ko pa para masagot iyon, tsaka ko na hahanapin ang mga kasagutan kapag matanda na ako. Umiyak ako noon, iyak na talagang iyak, iyong may kasamang sipon, hikbi at atungal. wala namang makakarinig sa akin, kasi mag-isa lang ako noon sa bahay. Iyon ang perfect cry ko, iyong kumpleto ang lahat ng sangkap nang pag-iyak, iyon ang huling perfect cry na ginawa ko,dahil pagkatapos nang araw na iyon, wala ng perfect cry na hinayaan kong maganap sa buhay ko.
…at ngayong matanda na ako, bakit hindi ko pa din alam ang mga sagot? bakit hindi tumigil sa pagsulpot ang mga tanong? bakit hinahabol nila ako?
kahapon, tamad na tamad akong mag internet. masakit na mata ko sa pagbabad sa computer, kaya sa CP ko na lamang ako nag check ng message. iyong dalawang hinihintay ko na messages ay hindi dumating, lumipas ang ala singko’t, ala sais hanggang sa makauwi na ako’y walang dumating, parang paghihintay ng mga signs, hindi mo alam kung darating pa ba, hindi mo alam kung may hinihintay ka nga ba.
Balak ko sanang mag MRT, kaso wala ako sa mood ma stress ngayong pauwi na ako, dahil ibang pagod at bigat ang nararamdaman ko ngayon. naramdaman mo na ba ‘yung parang nakahiga ka sa gitna ng dagat at lahat ng pressure ng tubig nakapatong sa dibdib mo habang may isang aninong hindi mo kilala ang kumakantot sa iyo? ganoon ang nararamdaman ko kagabi.
habang nasa daan ako’y hawak hawak ko ang CP ko, nagta-type ng message… pinag-iisipan kong mabuti ang mga sasabihin ko.
…alam mo ba na ang lungkot lungkot ko ngayon?
hindi ko agad sinend. kasi kanina, pinadala ko na ang message na iyon sa dalawang taong gusto kong hugutan sana ng lakas, ngunit pareho silang hindi nagreply.
ayokong maramdaman ulit ‘yung pakiramdam na ganoon, ‘yung mag-iinit ang mata mo pati ang dibdib mo pero mariin mo na lang na kakagatin ang labi mo kasi kailangan mong pigilan ang luha mo, dahil hindi iyon ang tamang oras at lugar para maging emosyunal.
ise-send ko na sana ang text message nang magblink blink ang gitnang button ng CP ko. May text message. Binura ko ang sinusulat kong message sa screen at agad na binasa ang message.
…bahala ka na, akala mo i-te-text pa kita? gudnyt!
para akong binaril sa nabasa ko. palihim kong pinunasan ng daliri ko ang sipong sumusungaw sa ilong ko at pinagpatuloy ang paglalakad ko.
pagkauwi ko ng bahay ay naabutan ko ang ate ko na nakabihis. ngiting ngiti siya sa akin. May date daw sila ng Bf niya at pagkatapos niya akong bilinan na may pagkain sa loob ng oven at bukas na siya ng umaga uuwi’y inutusan niya akong maghugas ng mga platong kinainan pa namin kagabi.
Gusto kong magwala. pero noong mga oras na iyon, doon ko naisip na wala kahit isang tao sa mundong ginagalawan ko ang nakakaalam at nakakaintindi ng mga pinagdadaanan ko, ng mga pinagdaanan ko, ng mga nararamdaman ko, ng mga naramdaman ko. wala.
habang naghuhugas ako ng plato’y gusto nang tumulo ng luha sa mga mata ko. wala na ang ate ko, umalis na. mag-isa na naman ako. parang noon, katulad ngayon.
naupo ako sa sofa at nagbasa ng mga messages sa inbox ko. naalala ko si mama, tinext ko siya. nangungumusta. pagkatapos ng isang minuto’y nagreply siya.
…bili mo ako ng isang kilong ubas, iyong seedless ha, dalhin mo bukas pagkaluwas mo dito.
pagkatapos ng reply ko sa kanya na “okay, ma…” wala na akong nareceive na text mula sa kanya.
kailan kaya may isang tao na maiintindihan ang gusto kong sabihin sa likod ng aking tahimik na salitang
“kumusta ka na?” siguro, hindi na darating ‘yun.
pagkatapos kong magshower ay umakyat na ako sa kwarto. naupo sa gilid ng kama ko at nag-isip.
ilang tao na nga ba ang nangako sa akin na kaya nila akong alagaan, pasayahin at ingatan? ilan na nga ba ang nagsabing tatanggapin nila ako mula sa pinakapangit na bahagi ng pagkatao ko? na maiintindihan nila ang dark side ko?
pero wala silang ibang ginawa kundi ang basahin ako ng pilit, na parang naging isa lang akong malaking challenge sa kanila, challenge na kailangan nilang maipalabas ang mga sinisikreto kong emosyon, luha at kalungkutan. iyon ang mga bagay na hirap na hirap akong ipakita sa ibang tao.
lahat sila, hindi maintindihan ang pananahimik ko, para sa kanila, ang kagustuhan kong mag-isa saglit ay tanda nang panlalamig. at lahat sila’y hindi ko maramdaman tuwing kailangan ko sila, na kahit kasama ko sila, pakiramdam ko’y mag-isa pa din ako, na hindi ko maramdaman ang comfort na hinahanap ko mula pa noong pagkabata ko.
walang makakapagbigay noon sa akin, dapat ko na sigurong tanggapin na lamang sa sarili ko na isa akong talunan.
ngayon, kailangan ko na namang tahakin ang isang landas na kay lungkot, iyong landas patungo sa pag-iisa, at alam kong hindi ako mahihirapan dahil saulado ko na ang mga daan, ang bawat likuan, ang bawat kalye.
hindi ako maliligaw.
oo nga, iyon ang mga sandaling parang noon, katulad ngayon, dahil sa mga oras na iyon, durog ako, sa pangalawang pagkakatao’y naramdaman ko ang pagkadurog na iyon, at katulad noong unang beses, mag-isa ko itong dinadanas, wala akong kasama, wala akong karamay, marahil dahil hindi pa isinisilang o hindi pa dumarating ang taong nanaising makinig sa mga hinanakit ko sa buhay na hindi tatawa, hindi iaanalisa ang aking persepsyon, hindi hahamakin ang aking mga negatibong alaala, hindi magsasalita, makikinig lang.
marahil, sa pangatlong pagkakataong mararamdaman ko ang ganitong klaseng lungkot at pagkadurog ay sanay na ako, na hindi na ako masasaling o maaapektuhan kahit na ako lang ang tanging nakadarama nito. marahil manhid na ako,
sana, kapag dumating ang pangatlong pagkakataon na iyo’y wala na akong pakialam.
naisip ko na kailangan ko na ding muling umpisahan ang pag-iipon ng lakas. mag-ipon ng lakas na gagamitin ko upang muling umibig at magmahal, ang lakas na gagamitin kong sandalan sa pang-apat na pagkakataong mabibigo ako, katulad sa una,pangalawa at pangatlong pagkabog ng aking puso at pagsuko sa tawag ng pag-ibig…
alam ko na sa pang-apat ay maaaring muli akong masasaktan at mabibigo. at iyon ang bagay na paghahandaan ko.
muli akong magmamahal, alam ko… at lahat ng iniipon kong lakas ay lalakipan ko ng paniniwala, at iyon ang ibibigay ko sa babaeng muling magpapatibok sa puso kong kailangan ko munang patulugin at pagpahingahin.
dahil iyon lamang ang tangi kong maibibigay sa kanya. darating siya, alam ko, kung kailan, walang nakakaalam.
Nahiga ako sa kama at sinaksakan ng headset ang tenga ko. pinihit ko ng todo ang volume. at muli kong dinama ang sakit at lungkot. ito na muna ang huli, tsaka na ang susunod.
ipinikit ko ang mga mata ko at pagkatapos ng perfect cry na iniyak ko sa gitna ng malungkot na girlhood ko noon, pagkalipas ng labing anim na taon ay muli itong tumulo sa aking mga mata…
Nine years old ako nang matuklasan ni Duday ang isang lugar na nakatago sa matataas na pader ng Skybag. Isa iyong factory ng mga papel na ang may-ari'y madalas maghagis ng kendi at laruang plastic na nakabalot sa kulay pulang tela tuwing pasko.
Sa tapat ng bahay namin ay isang masikip at madilim na eskinita na sinasabi nilang may white lady daw na nagpapakita tuwing gabi,pagpasok mo sa eskinitang iyon ay kakanan ka, doon sa looban, pang walong bahay na may sementadong hagdan na kulay brown ay ang bahay nila Duday. Sila pa lang ang up and down ang bahay noon at sa aming magkakalaro, siya lang ang may sariling kwarto. Sabi niya'y hindi niya sinasadyang matuklasan ang lugar na iyon, tumakbo daw kasi ang alaga niyang tuta na si choochoo at sa kakahabol niya'y nasuot siya sa ilalim ng lumang lababo sa labahan ni Ate Pangga. Doon sa ilalim ng lababo ay may isang butas na kasyang kasya kami. Pumasok daw siya sa butas at bongga, natuklasan niya ang lugar na iyon.
Ako ang una niyang pinuntahan. Tanghalian nang sumilip siya sa bintana namin na may hawak na lillipop na chocolate flavor. Iyon kasi ang paborito ko. Nilapitan ko siya at ibinulong niya ito sa akin. Gustong gusto ko ng sumama sa kanya at pumunta sa lugar na iyon, ngunit hindi pa pu-pwede, dahil kailangan ko pang matulog at maghintay sa pagpatak ng alas kwatro bago ako payagan ni Ate na lumabas.
Hindi ako nakatulog nung tanghaling iyon. Nakapikit ako ngunit nanatili akong gising, habang sa imahinasyon ko'y paulit-ulit kong nilalaro ang mga eksena na parang isang pelikula.
Naroon kami ni Duday sa lugar na iyon, magkahawak ang kamay habang nakikipaghabulan kay choochoo.
...
Unang araw ng Practice nang Graduation namin noong high school nang una akong sinalakay ng napakaraming paro-paro. Nasa Gym kami noon, hiwalay ang Practice namin, ang umaga ay para sa mga girls at ang hapon naman ay para sa mga boys. Hindi ko makuha ang logic ng ganoong sistema, pero nakakatamad na ding kwestyunin pa ang tumatakbo sa kukote ng Assistant Principal namin.
Mataas ang lagnat ka noon, tumatagaktak ang pawis ko at nag-iiba na ang tingin ko sa paligid ko. Napansin iyon ng Adviser namin kaya't pinaupo niya ako sa bleachers para kahit papaano'y makapagpahinga ako. Nasa mataas na parte ako ng bleachers at pinagmamasdan ko lang ang mga schoolmates ko na mga nakaindian seat sa sahig ng Gym at nagdadaldalan. Maya maya'y dumating ang Principal namin na may dalang isang malaking kahon, agad naman siyang nilapitan ng ilang Teachers at hindi nagtagal ay namimigay na sila ng Abanikong ang mga kulay ay Plain white or blue or pink or yellow or green or orange or red. Isa isang ibinuka ng mga schoolmates ko ang kanilang abaniko at nagsimulang magpaypay hanggang sa ang lahat na'y naging abala sa pagpapaypay...
at mula sa kinauupuan ko'y pinagmasdan ko ang iba't bang kulay ng mga abanikong pumapagaspas, parang mga pakpak ng mga paro parong may iba't ibang kulay, napakaganda, ang ganda ganda. Ang dami dami nila, napakarami...
Tumayo ako sa kinauupuan ko at naglakad pababa, palapit sa mga paro parong iyon, manghuhuli ako ng isa, kahit isa lang... ngunit biglang umikot ang paningin ko at para akong kandilang naupos sa sahig.
Bago pa tuluyang magdilim ang paningin ko'y nakita ko ang mga paro parong nagliparan palapit sa akin, at ako'y kanilang pinagkalumpunan.
...
First time kong sumakay ng LRT, pupunta akong National Library dahil kailangan kong mag research tungkol sa Orihinal na kopya ng El filibusterismo. Sa Train na sinakyan ko'y halos puro kami babae, tatlo lamang ang lalaking nandoon, isang matanda na natutulog sa pinakadulong upuan, isang batang lalaki na walang tigil sa pag-iyak at isang teenager na kasama ang kanyang Mommy.
Nakatayo ako at nakasandal sa stainless pole at nakaharap sa glass door para makita ko ang mga madadaanan kong lugar. Tinanggal ko ang bow tie ko na checkered green (na katerno ng palda) ko at itinago iyon sa bag ko. High school na high school kasi ang hitsura ko. Dyahe.
Habang nasa daan ay wala akong ibang katitigan kundi ang malabo kong repleksyon sa glass door at pilit inaaninaw ang hitsura ko. Ang payat payat ko, para akong may sakit, kulay kalawang ang mahaba kong buhok (na sabi ng Principal nami'y hindi daw ako makakagraduate kung hindi ko iyon paiitiman) at mahaba ang mga kuko ko sa kamay. Napangiti ako, dalaga na ako. Dalagang dalaga na. Lalo akong napangiti ng maalala ko ang Shagging Moments namin ni Carlo. Isa lang kasing malaking joke ang lahat.
Sa R.Papa'y nagsakayan ang isang grupo ng mga college girls na taga Sta. Isabel. Ang i-ingay nila. Tawanan sila ng tawanan habang malalanding nagke-kwentuhan tungkol sa mga boys.
At doon biglang pumasok ang isang tanong sa utak ko. Humarap ako sa kanila at sumandal sa Glass door, pinagmamasdan ko lang sila, pati na din ang iba pang babaeng pasahero ng Train. Pinagmasdan ko din ang babaeng nakatayo sa harap ko at nakahawak ng mahigpit sa pole. Napangiti ako sa mga naiisip ko, ganoon din kaya niya hawakan ang titi ng boyfriend niya o ng asawa niya o ng kabit niya o nang kung sinong lalaking kinakalantari niya?
Sumunod kong pinagmasdan ay ang mga bibig ng mga babaeng iyon, ang iba'y nakatikom, ang iba'y nakanganga, ang iba'y nakangiti at tumatawa habang ang iba nama'y walang tigil sa kakasalita...
at naisip ko, ilan kaya sa mga bibig na ito ang nambo blow job tuwing gabi? Ilan kaya sa mga bibig na ito ang nakalasa na ng tamod ng isang lalaki?
...
Four years old ako nang bihisan ako ni Ate Oli, iyon ang paborito kong damit, iyon ang regalo sa akin ni Mama noong birthday ko. Hindi ko masyadong iniintindi noon ang pag-iimpake ni Mama, ang pananahimik ni Papa at ang mga walang hanggang bilin ni Mama sa mga kapatid ko. Para sa akin noon, wala iyong saysay, dahil ang akala ko noon, mamamasyal lamang kami.
Dumating si Uncle Mario dala ang owner niya. Nag-usap sila saglit ni Papa at maya maya'y binuhat na nila ang maleta ni Mama at isinakay sa owner. Sumakay na din kami, nang paalis na kami'y nagsimulang mag-iyakan ang mga kapatid ko. Si Ate J ay nagpipigil, si Ate Lei naman ay umiiyak ng walang sound at si Ate Ces ay ngumangawa, naisip ko, nalulungkot siguro sila kasi hindi sila kasama at nalungkot din ako.
Bumiyahe kami, hindi ko alam kung gaano katagal, kasi nakatulog ako. Si Mama ang gumising sa akin, binuhat niya ako niyakap, ang sabi niya, kapag malaki na daw ako, siguradong maiintindihan ko din ang lahat. Tumango ako, ang sabi ko sa kanya, malaki na ako at naiintindihan ko na. Ngumiti lang siya at nakita kong nangingilid ang luha sa mga mata niya. Kinuha ako ni Papa, samantala, binuhat na ni Uncle Mario ang Maleta ni Mama at naglakad na sila palayo ni Mama kasama si Ate Oli. Naiwan kami ni Papa. Hindi nagsasalita si Papa, basta, karga karga niya lang ako at nakatayo lang siya doon. Matagal, ang tagal tagal....
Nang bumalik si Uncle Mario at Ate Oli ay hindi na nila kasama si Mama. May sinabi si Uncle Mario kay Papa na sinasabayan pa niya ng tapik sa balikat. Tumatango tango lang si Papa. Hindi kami umalis agad, naghintay pa kami.
Naisip ko, hinihintay namin si Mama...
Naiinip na ako kaya tinanong ko si Ate Oli kung nasaan si Mama, hindi siya sumagot, tapos itinuro sa akin ni Papa 'yung papalipad na eroplano.
"Beybi, tignan mo, airplane oh!" sabi ni Papa.
Tuwang tuwa akong tumingin sa langit, kitang kita ko ang eroplano at nakangiti akong kumaway dito at sumigaw ng; "Ba-bye ba=bye!"
Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap ni Papa sa akin...
Umuwi kami na hindi namin kasama si Mama. Hindi ako nagtanong, hindi kahit kailan. Mali ako nang sabihin ko kay Mama na malaki na ako at naiintindihan ko na, dahil noong mga panahong iyon, hindi ko ito maintindihan, at mali si Mama nang sabihin niya sa akin na pag laki ko, maiintindihan ko din ang lahat, dahil hanggang ngayon, hindi ko pa din iyon maintindihan.
Hindi ko iyon maintindihan, pero may isang bahagi sa loob ko ang nagsasabing kailangan ko itong unawain...
...
Nararamdaman ko na, alam ko na kung saan hahantong ang lahat, ngunit hindi ko inaasahan na kay dali itong matatapos. Nagsisimula palang akong managinip, nang sumabog ang katotohanang kailangan ko nang gumising.
Ilang gabi din kaming natutulog ng magkatabi na walang imikan, para bang bigla kaming naubusan ng mga salitang sasabihin namin sa isa't isa, para bang bigla kaming naging estranghera... at ang lahat ay nilalagot namin sa katahimikan.
Mahal ko siya. Mahal na mahal ko siya, saksi ang buong mundo, ang kalawakan at ang impyerno, ang langit at ang mga pekeng paraiso, saksi ang kakikikikian ko, ang lahat lahat sa akin...
Ilang gabi na habang natutulog siya'y nananatili akong gising, pagmamasdan ko lang ang mukha niya at tsaka ako luluha. Ilang gabing pilit akong nakipag bargain sa Diyos, nakikipag deal sa kanya, sumusugal, pumupusta... Ilang gabi akong nagdasal, ipinagdasal ko siya... na habang himbing na himbing siya'y babangon ako'y mauupo sa paanan ng kama niya at doo'y magdarasal ako, kung saan ako at ang tanging Diyos lamang ang nakakaalam na nagdarasal ako, na umiiyak ako. Kung ilang gabi kong ipinakiusap sa Diyos ang lahat lahat ng pagsusumamo ko't pagmamakaawa, at kung ilang ulit kong ibinulong sa dilim ang mga salitang; "Please God, don't let her leave..."
Ngunit, busy ang Diyos noong mga gabing iyon.
...
Lagi naming inaabangan ni Duday ang pagdaan ni Mang Boy Senyang. Siya iyong siga sa lugar namin, isa siyang hoodlum na maraming tattoo sa katawan, matangkad, malaki ang katawan na may kasamang taba at parang limang buwang buntis sa laki ng tiyan.
Ang sabi ni Duday, si Mang Boy daw ay nagiging halimaw kapag gabi na. Kapag tulog na ang buong Malabon ay lumalabas daw si Mang Boy at doon sa Lumang bodega ni Malvar daw ito nagpapalit ng anyo. Kaya tuwing dumadaan si Mang Boy sa Garahe na paborito naming tambayan ay nanginginig ako sa takot. Minsa'y tinititigan ko ang pwet niya at hinahanap kung saan niya tinatago ang kanyang buntot, minsan naman ay ang makapal niyang kulot na buhok ang pinagdidiskitahan ko, dahil alam ko na naroroon, doon nakakubli ang sungay niya.
Isang gabi'y sinamahan ko si Ate J na mag-igib ng tubig kina Mang Rudy, sa looban iyon, malapit sa bahay nila Duday. Maraming pila at si Ate J ay naging abala na sa pakikipaghuntahan niya kina Ate Vange na pinsan namin sa Father side na sa looban din nakatira, kaya't pumuslit ako at pumunta kina Duday. Binigyan niya ako ng paborito kong Lollipop na chocolate flavor at tsaka niya ako niyaya na sumilip sa Bodega ni Malvar. Nakita daw kasi niya doon si Mang Boy na pumasok kanina. Hindi na ako nagdalawang isip, sumimple kaming umakyat sa pader at naglakad sa mga kalawanging bubong na ang iba'y dinadaganan lamang ng mga hallow blocks, mga matatabang kahoy at gulong ng jeep. Dumiretso kami sa bubungan ng Bodega, katapat niyon ay ang mahaba at malaki at lumang Apartment na pag-aari nila Cristobal, at sa harapan ng Apartment ay ang dikit dikit na bahay ng Anonas, at sa mismong tapat nito ay ang bahay namin, kaya malamang, kung biglang tinopak ang Diyos nang mga gabing iyon at pinaglaho niya ang Apartment ay makikita ako ni Papa o ng isa sa mga Ate ko na nasa bubungan ng Bodega ni Malvar at siguradong umaatikabong palo na ang magaganap.
Dahan dahang yumuko si Duday at sumilip sa mga maliliit na butas na gawa ng mga pinaghugutang pako sa yerong bubong, hindi ko alam kung anong nakikita niya, dahil napatda na ako sa aking kinatatayuan, hindi na ako nakakilos at para akong kinulam sa aking nakita. Hindi isang halimaw ang natagpuan ko nang gabing iyon, kundi isang diwata.
Mula sa balkonahe ng Apartment ay nakita ko si Trixie, ang kilalang GRO ng Marietta Club, nakatayo lamang siya doon, nakayuko at naninigarilyo habang sa tabi niya ay isang malaking lampara, at kahit malayo ako'y alam ko, ilang ulit pinahid ng palad niya ang kanyang pisngi... Umiiyak siya.
Isang babaeng umiiyak sa dilim, parang isang aprisyon, isang pangitain... Napakagandang tanawin. Ang ganda ganda...
At ipinangako ko sa aking sarili, siya ang unang babaeng pag-aalayan ko ng unang tulang lilikhain ng aking isipan at damdamin.
Naisip ko na ang clitoris ko ay ang Gravity na humihila sa akin pababa, minsan nama'y para siyang pakpak na nagdadala sa akin sa pinakamataas na parte ng langit, kung saan, wala doon ang Diyos sa luklukang inaasahan ko na pagkakakitaan ko sa kanya, at sasabihin niya sa akin na; "Ikaw ay hindi kailanman nagkasala." o kaya naman ay isang compass na nagtuturo sa akin sa tamang direksyon ng mga nais kong mapuntahan, mga lugar na kay daming tagong damdamin na naghihintay para aking tuklasin. Ngunit madalas, pakiramdam ko'y isa lamang siyang manika katulad ng mga manikang iniiyakan ng mga batang babae sa department store para lamang ibili sa kanila ng kanilang mommy, o isang mamahaling robot na tinititigan lamang ng mga batang lalaki dahil alam nilang hindi nila ito afford.
O katulad ng maiilap na paro paro na pakiyeme kung dumapo sa mga damo...
Ngunit araw araw, nagsilbi siyang isang gutumin at matigas ang ulong alaga na kahit na pakainin ko pa ng pakainin ay nanatiling gutom, na kahit alagaan ko pa at paliguan at mahalin, kakagatin pa din niya ang aking kamay, pagtataksilan pa din niya ako at ipagkakanulo.
Umabot ng matagal na panahon bago ko iniwan ang casual sex, may kalakip na nangungutyang nostalgia ay inaalala ko ito minsan, ang tradisyon nang pakikipagkantutan sa mga taong hindi ko lubos na kilala at hindi kailanman itinangi sa aking buhay, mga taong saglit lamang na dumating at nang umalis ay nanatili akong walang pakialam, bumabalik ang lahat ng ito sa akin tuwing dumadaan ang parada ng mga alaala, at muli kong lalakbayin ang lahat lahat gamit ang aking compass na nagsisilbing guide ko sa direksyon at dahil dito, nakakabalik ako sa reyalidad.
Dumating din ang araw na nanikluhod ako sa civilized sex na nagbigay sa akin ng isang makamanhid utak na orgasmo mula sa mga love letters ng pag-ibig, relasyong iniingatan at babaeng kauna-unahan kong minahal.
Hindi iyon kailanman naging madali, dahil noon, para sa akin, ang pag-ibig ay tanda ng isang kahinaan. Ang pinakamalupit na kahinaan.
Ngunit babae ako. O ano naman ngayon? Pero babae ako, babae... babae...
Babae.
Katulad ng pag-ibig, hindi din naging madali sa akin ang pag o-orgasmo. Fifteen years old ako nang pagdudahan ko ang sarili ko, ang kakayahan ko. Noong naging boyfriend ko si Carlo at halos wala pa kaming isang buwan ay nag me-make out na kami'y alam ko na agad ang deperensiya. Putang ina, hindi ako nilalabasan.
Batang bata pa ako noon at hindi ko pa lubusang naiintindihan ang mga bagay bagay tungkol sa sex. Ang alam ko, magpapatungan kayo, maghihindutan at lalabasan at doon magtatapos ang lahat, pero hindi nagtatapos para sa akin ang lahat, dahil kahit anong gawin ko, hindi ako nilalabasan.
Third year College ako nang inisip ko na baka may sakit ako, na baka may sapak ako sa kukote, ngunit nanahimik ako, kasama ang mga disoriented kong egg cells, at ako'y nanatiling mas malamig pa sa frozen corpse na matagal nang nakaimbak sa isang morgue ref.
Naniniwala ka ba sa engkantada?
Eight years old ako nang makaramdam ako ng matinding lungkot at pangungulila. Gusto kong makita si Mama o kahit marinig lang ang boses niya, gustong gusto ko ng yakap ng isang Ina nang mga oras na iyon, ngunit wala si Mama kaya sinarili ko na lang ang lahat.
Alas diyes ng umaga, sabado, 1991, pumunta ako nang St. Peter and St. John Parish na nasa Orange Road ng Malabon. Oo nga't hindi ako mahilig magdasal ngunit kapag nasa estado ako ng kalungkuta'y simbahan ang unang lugar na naiisip kong puntahan.
Pagpasok ko ng gate ay dumiretso ako sa Balcony ng simbahan, doon tanaw ko ang dikit dikit na bahay ng Vanyas at ang malawak na kangkungan ng Araneta. Mula sa kinauupuan ko'y nakarinig ako ng maliliit na tawa ng isang batang babae. Sumilip ako sa baba at sa bakanteng lote sa gilid ng simbahan ay natagpuan ko siya. Nakaupo siya sa mga lumang naglalakihang bato katabi ng isang basag na rebulto ng anghel na madungis. May hawak siyang maliit na basket na gawa sa iba't ibang kulay na straw, sa loob ng basket ay mga bulaklak ng gumamela at bougainvillea. Napakaputi niya, para siyang kumikinang sa kaputian. Tumatawa siya habang pinagmamasdan niya ang dalawang paro paro na lumilipad lipad sa ibabaw ng palad niya. Nilapitan ko siya.
Nag-usap kami, alam ko na nag-usap kami ngunit kahit anong gawin kong piga sa memorya ko'y hindi ko na maalala kung ano ang pinag-usapan namin. Ngunit naaalala ko ang tinig niya, malamig na parang humuhukay sa lupa, ang tinig niyang umuukilkil pa din sa utak ko hanggang ngayon nang sabihin niya sa akin ang pangalan niya.
"Mirasol."
Oo, Mirasol ang pangalan niya. Hinawakan niya ang kamay ko at inaya ako sa kung saan. Pupunta daw kami sa hardin ng bahay nila. May malaki daw silang bahay. Malaki, malaking malaki.
Tinahak namin ang kalye papunta sa Duryan street at sa harapan nga ng isang malaking bahay na may mahabang terrace na kulay pula'y pumasok kami sa isang makipot na daan na sa magkabilaang gilid ay punong puno ng halaman at bulaklak. Pagkapasok ko'y hindi ko matanaw ang langit dahil sa mga matatabang ugat na gumapang pataas at nagsilbing bubungan, puno din iyon ng mga bulaklak. Akit na akit ako sa buong lugar, habang si Mirasol ay nagtatakbo papasok. Huminto siya at lumingon sa akin, nakangiti niya akong kinawayan at inaya papasok. Humakbang ako, ngunit nang pagkatitigan ko ang hardin ay napansin kong para siyang walang katapusang eskinita. Parang napakahaba niya at hindi maabot ng tanaw ko ang pinakadulo nito. Bigla akong tinamad. Tumalikod na ako at lumabas, bago ako tuluyang makalabas ay nilingon ko si Mirasol, nakatayo lamang siya doon, wala na ang ngiti sa kanyang labi. Kumaway ako sa kanya ng pamamaalam at tsaka ako tuluyang umalis.
Ipinangako ko sa aking sarili na babalik ako dito mamayang hapon. Babalikan ko siya.
Ngunit napansin ko na madilim na ang paligid. Nagmamadali akong naglakad at sumuot sa VMN Compund, may shortcut kasi doon papunta sa street namin at nakita ko si Ate Oli at Ate J, nang maispatan nila ako'y mabilis nila akong nilapitan. Hinawakan ni Ate J ang kamay ko samantala nama'y pinapagalitan ako ni Ate Oli na may bonus pang kurot at pingot.
Pinalo ako ni Ate Oli nung gabing iyon. Halos buong araw daw akong nawala at hinanap na nila ako kung saan ngunit hindi nila ako makita. Gusto kong sabihin na saglit lang naman kaming nagsama ni Mirasol. Ngunit nanatiling tikom ang bibig ko.
Hindi ako pinalabas ni Ate Oli ng bahay nung Linggo at mula sa bintana namin ay tinatanaw ko ang Krus sa tuktok ng simbahan ng St. Peter and St. John Parish, at ibinubulong ko sa hangin na babalikan ko si Mirasol, babalikan ko siya.
Twenty one years old na ako nang una kong malasap ang unang bugso ng orgasmo. Kay Hazel. Kaya ko siya siguro minahal noon ng todo todo, kaya siguro siya ang unang babaeng inibig ko, dahil siya ang unang taong nakabasag sa pader na itinayo ko palibot sa sarili ko.
Siya din ang unang taong pinagkwentuhan ko ng lahat lahat ng kaletsehan ko sa buhay.
Sa mga nauna kong naging partner ay napakadali para sa akin ang mameke ng orgasm, sa pinakaperpektong paraan, ngunit mahirap palang makipag sex sa isang Psychologist. Noong una naming gabi'y sinimulan ko agad ang ritwal nang pakikipagkantutan. Katulad nang nakasanayan kong gawin, inumpisahan ko iyon sa mahihinang ungol, pinilit kong maramdaman siya, pinilit kong makiliti o malibugan sa mga halik at haplos niya, ngunit katulad noong mga nauna sa kanya'y wala ding nangyari, dahil sa habang umuungol ako at ginagampanan ng katawan ko ang papel ng isang karakter na na tu-turn on sa sex mate niya'y biglang pumasok sa isip ko kung naipasok ko ba ang mga sinampay sa loob ng bahay, kung napakain ko ba ang mga alaga kong love birds, ang mga grade ko sa school na kailangan kong ayusin dahil baka hindi ako maka graduate, ang libro ni Anne Rice na matagal nang natutulog sa kabinet ko... at naramdaman niya iyon. Dahil pagkatapos namin ay titig na titig siya sa akin.
"You are sick." ang sabi niya. "You don't know how to fake your orgasm properly." Tumawa lang ako at tumayo. Nagbihis at gumawa ng egg sandwich.
Sa mga sumunod naming make out scene ay nagpatuloy kaming bigo. Hindi tumatalab sa akin ang kanyang mga maneuver, ang kanyang mga technique at gayon din ako sa kanya. Hindi tumatalab ang talento ko sa kanya. Ang mameke ng orgasm.
Pinag-usapan namin iyon ni Hazel. Madami daw akong sexual fantasies na hindi ko inilalabas. Huwag daw akong mahiya pagdating sa sex. Maging malaya daw ako at huwag kong limitahan ang sarili ko. Pagkatapos nang pag-uusap naming iyon ay ilang gabi din akong hindi nakatulog. Nakahiga lang ako sa kama ko at nakatitig sa kisame. Ang sabi niya subukan ko daw magsarili kahit minsan lang, ngunit hindi ko iyon magawa kahit kailan.
Ngunit kailangan ko ng lumabas sa aking libingan. Matagal na akong nakalibing, kailangan ko ng harapin ang katotohanan. Kaya't nang puntahan ko siya noong gabing iyon sa bahay niya, mahigpit ko siyang niyakap at lumuluhang (iyon ang unang iyak ko sa harapan ng iba) bumulong sa kanya; "Love me, please, I want you to love me..."
At kahit alam kong nagkukunwari lang siya na mahal niya ako noong mga sandaling iyon, nilabasan ako, ibinigay niya sa akin ang isang mind numbing orgasm na hindi ko kailanman naranasan sa iba, at iyon ang unang pagkakataon na tinawag ko ang mga naganap na hindi sex, kundi love making.
Dahil sa ka una unahang pagkakataon sa buhay kong pinuno ng lamig at takot, hinubaran ko ang kaluluwa ko't ipinakita sa kanya ang kahinaan ko, at ako'y umibig. Umibig ng labis labis.
Seven years old ako nang mag-alaga ako ng hermit crab na pinangalanan kong Luchie, kahit na hindi ko alam kung ano ang kasarian niya'y inisip ko pa din na babae siya. Bakasyon noon, mula sa isang linggong pananatili ni Ate J sa La union ay iyon ang ipinasalubong niya sa akin. Tuwang tuwa ako. Halos buong hapon ay hindi ako lumabas ng bahay, nakaupo lang ako doon sa balkonahe namin sa likod bahay at pinagmamasdan siyang gumagapang sa palad ko, papunta sa braso ko. May dalang kiliti ang mga galamay niya at si Luchie ang unang nilalang dito sa mundo ang sinabihan ko ng; "I love you"
Nang dumating si Luchie sa akin ay nakalimutan ko ang paglabas ko ng bahay tuwing alas kwatro para makipaglaro, nakalimutan ko ang pagpunta namin sa Kang kungan sa Araneta, nakalimutan ko na ang holen, ang goma, ang tansan, ang paper doll, ang habulan sa Garahe. Nakalimutan kong lahat iyon at ang tanging nasa isip ko ay si Luchie.
Inilagay ko siya sa isang fish bowl na hiningi ko sa kalaro kong si Gieann. Nilagyan ko ito ng buhangin at mga batong kinuha ko pa sa riverside. Araw araw ko siyang pinapakain at naging maligaya kaming magkaibigan at magkalaro.
Ngunit bago magtapos ang bakasyon ay iniwan ako ni Luchie.
Isinama kaming magkakapatid noon ng Tita ko sa Mindoro at isinama ko si Luchie. Naisip ko, matutuwa siya kasi makakakita siya ulit ng dagat. Nagswimming kami sa Naujan Beach. Nakaupo ako sa buhangin at nasa kamay ko si Luchie. Inilapag ko siya sa buhangin at mabilis siyang naglakad palayo sa akin. Huli na para kunin siya ulit dahil humukay siya sa buhanginan at sumuot doon at hindi ko na siya nakita. Kahit na hinukay ko pa ang buhanging pinagsuotan niya'y hindi ko na siya nakita pa. Iniyakan ko si Luchie. Dahil isinawalang bahala niya ang masasaya naming pagsasama, kinalimutan niya ang pag-aalaga ko, ang pagmamahal ko...
Nang tanungn ako ni Ate J kung nasaan na si Luchie, ang tanging nasabi ko ay; "Bumalik na siya sa mundo niya. Iniwan niya na ako." na sinagot naman ng kapatid ko ng isang yakap at gusot sa buhok. "Huwag ka mag-alala, marami pang luchie ang darating sa buhay mo."
Tama si Ate J. Maraming Luchie ang dumating sa buhay ko.
Kanina pagkagising ko'y hindi sinasadyang nakurot ko ang kaliwang utong ko. Masakit pala, at naisip ko, iyon na siguro ang pinakaweird na paraan para umpisahan ang araw ko at ang sulating ito.
Sa Malabon ako lumaki. Hindi naman binabaha ang lugar namin na Boundary na ng Caloocan-Malabon. Sa loob ng childhood years ko, wala pa akong naaalalang prinoblema namin ang baha, kaya nga ako ma'y nag-iisip kung bakit ito ang napili kong titulo ng isinusulat kong ito.
Mamaya, tutuklasin natin.
Iilang tao pa lang ang nakakaalam ng kakapiranggot na kwento ng buhay ko. Ang unang paglalakas ng loob kong i-kuwento ito sa pamamagitan ng panulat ay noong bagong Miyembro pa lang ako ng Filipino Writer, December iyon, 2008. Binigyan ko ito ng isang titulong nagpapakita ng kay raming childhood hang ups; "Dalawampu't limang taong tulog si Santa Clause." Maraming nag comment d'un, at nakatanggap din ng marami raming views, Pero last May lang ay binura ko na. Hindi ko alam kung bakit, basta, binura ko na siya.
Isa ang Childhood memories ko ang iniiwasan kong maging subject ng mga isinusulat ko, ngunit sa buhay ng isang nangangarap na maging writer, isa iyong bagay na hindi maiiwasan. kailangan mo itong balikan, at ang pagbabalik doon ay hindi nangangailangan ng pacute, patweetums na proseso, lagi itong mahirap, lagi itong malupit, lagi itong masakit.
Totoo naman ang laging pumapasok sa isip ko, hindi excuse ang ginawang kagaguhan sa iyo ng mundo para piliin mong maging tarantado. Totoo din na kahit ilang beses ka pang kantutin ng tadhana sa paraang kinasusuklaman mo'y hindi excuse na manggagagahasa ka na din ng buhay ng may buhay.
Isa iyong malaking kaululan.
Talentado ako. Alam ko 'yun dahil iyon ang katotohanang ipinagsisigawan sa akin tuwing nakaharap ako sa salamin ng mga mata ng mga taong nakakaharap ko. Isang katotohanang may dalang sumpa dahil ang talento ko'y walang pagkakaiba sa isang walang kakwenta kwentang pelikulang ishinooting sa loob lamang ng isang linggo na kung hindi pa siguro nagpakita ng suso at pekpek at titi at mga nakahubad na katawang nagkakantuta'y malamang, nilangaw na ito sa takilya, pero dahil sa ginawa itong salsalan ng bayan, ayun, pinasok at pumatok at tumabo pa, saan ka?
Ito ang reyalidad ng buhay ko, isang katotohanang hindi ko tinakasan, hinarap ko ito kahit alam kong ako na 'ata ang pinakaduwag na babae sa buong mundo. Ito ang reyalidad, kung paano ako nakipagtorohan sa kapalaran at nakipag one night stand sa mga estrangherong gabing hindi ko na mabilang.
Ito ang reyalidad kaya makinig ka. Makinig ka at mag imagine.
Noong bata pa lang ako'y tatlong bagay ang bumuo ng obsesyon ko. Butterfly, Barbie doll at ang Babae sa buwan.
Naaalala ko noon, madalas kaming pumupunta sa kangkungan sa Araneta, likod iyon ng squatters area sa Reparo. Malawak iyon, maraming puno, maraming taniman ng kangkong at madamo. Para sa amin, iyon ay isang magandang paraiso.
Kakatapos lang noon ng ulan nang takasan ko si Ate at lumabas ng bahay para maglaro, ayokong ayoko kasi ang routine namin noon na kailangan kong matulog sa katanghaliang tapat, iyon ang unang pagkakataong sinuway ko ang bilin sa akin ni Ate na pumirmi sa bahay at matulog.
Pumunta kami sa Araneta. Bago ka makarating doo'y kailangan mo munang sumuot sa masisikip na eskinita ng Vanyas, tapos ay aakyatin ang isang burol ng basura para makasampa ka sa pader, at sa likod ng pader na iyon ay ang aming paraiso.
Manghang mangha ako noon dahil sa napakaraming paro parong nagliliparan sa damuhan. Sumisikat na din ang araw at may bahagharing nakapinta sa kalangitan.
Inggit na inggit ako kay Duday dahil nakakahuli siya ng paro paro na inilalagay niya sa bote, inggit na inggit din ako kay Aya dahil dinadapuan siya ng paro paro sa ulo, sa kamay at sa balikat, samantalang ako'y nilalayuan ng mga ito. Hindi nagtagal ay dumami na ang mga bata na nagdatingan, nagtatakbuhan sila sa damuhan, nanghuhuli ng paro paro at nagtatawanan. Pinilit kong manghuli kahit isa lang, ngunit hindi ko magawa.
Ang parteng ito'y ginawa kong simula ng isa kong kwento: Kaya nagalit ako, galit na galit ako sa mga paro paro, ayaw kasi nila sa akin. Hindi sila nagpapahuli sa akin, samantala, ang halos lahat ng kalaro ko ay nakakahuli ng paro paro na inilalagay nila sa bote ng meyoneys kasama ang mga bulaklak ng santan at gumamela.
Ayaw nila sa akin, kaya ayoko na rin sa kanila.
Kumuha ako ng patpat at naupo sa damuhan. Naghintay, nag-abang.
Lagot ka sa akin, tang ina ka ha, lagot ka sa akin, makikita mo...
Isang kulay puting paro paro ang lumipad lipad. Pinigil ko ang aking paghinga. Hindi ko nilubayan ng tingin ang paro paro at dahan dahan itong dumapo sa mga maliliit na ligaw na bulaklak malapit sa aking harapan. Itinaas ko ang patpat at ito ay humampas sa hangin...
Iyon ang unang krimen sa kalikakasan ang nagawa ko. At alam kong hindi iyon ang magiging huli.
Sabi ni Ate, ako daw ang pinakamabait sa aming magkakapatid, dahil ako ang talagang sumusunod sa kanya. Iyon nga lamang at may ilang pagkakataon daw na naisip niyang abnormal ako, dahil may mga araw na nakaupo lang daw ako sa isang sulok at nagda-drawing o kaya'y nagsusulat o kaya'y nagkukulay at naggugupit gupit, minsan naman daw ay nakatingin lang ako sa labas ng bintana at kailangan pa akong kurutin para lang masigurado nilang buhay pa ako.
di urong daw ako noon. Kapag nakaupo daw ako sa shig at nagkataong naglilinis si Ate ng bahay ay binubuhat niya ako at iniuupo sa sofa o kaya'y inuurong para makapagwalis siya.
Ako lang ang nakakaalam kung ano ang naglalaro sa utak ko noong mga sandaling iyon. Ako lang at wala ng iba, at wala akong maaalalang ibinahagi ko na iyon o ikinuwento kahit kanino.
Grade one ako nang unang beses kong marinig ang salitang "Autistic" Unang araw ng klase iyon, ako ang pinakabata sa amin. Limang taon lang ako noon at gulat na gulat si Teacher kasi marunong na akong magbasa at magsulat, at hindi lang pangalan ko ang kaya ko nang isulat noon, at hindi lang Abakada ang kaya kong basahin. Si Ate kasi, magaling magturo, pinipingot niya ako at kinukurot sa tagiliran kapag hindi ako nakakapagsulat at nakakabasa ng maayos. Bago magpasukan ay tinuruan niya ako, buong bakasyon noon, wala kaming ginawa kundi iyon at naaalala ko na tuwing sabado at linggo lang ako nakakapaglaro, kaya naman tuwang tuwa ako noon pagnatapos na ang Connie Reyes on Camera na paborito niyang panoorin tuwing sabado at Lovingly yours helen naman tuwing Linggo dahil iyon ang hudyat na makakalabas na ako ng bahay at pwede ko ng tigilan ang aking pagtutulug tulugan.
Sandali, naligaw na ako, ikukwento ko pala 'yung unang araw ng klase ko noong grade one.
Tinanong kami ni Teacher noon kung ano ang Talent namin, iyong mga kaklase ko hindi sumasagot, kasi hindi nila alam kung anong ibig sabihin ng talent, kailangan pang ipaliwanag iyon ni Teacher ng word by word, pero wala pa din sa kanila ang sumagot kaya nagmalaki ako at sinabi ko na kaya ng kaliwang kamay ko ang magdrawing habang 'yung kanan naman ay kayang magsulat. Gulat na gulat siya noon sa sinabi ko, inutusan pa niya ako na ipakita sa kanya iyon kaya ginawa ko iyon sa blackboard. Tuwang tuwa 'yung mga kaklase ko at si Teacher, ibinilin niya ang klase namin sa katabing Teacher at pumunta kami sa Guidance Counselor. Narinig ko na sinabi ni Teacher na baka daw Autistic ako.
Kung alam ko lang ang ibig sabihin ng Autistic nung mga panahong iyon, marahil namura ko si Teacher mula ulo hanggang paa.
Hindi ko alam, ngunit hindi ako mahilig magdasal noong bata ako. Basta ang alam ko, bago ako matulog, pilit kong hinahanap ang buwan sa bintana namin, o kaya'y umaakyat ako sa bubong namin (na madalas maging dahilan kung bakit ako pinapalo ni Papa) para lang makita iyon, at pagnakita ko na siya, kakaway ako sa kanya o kaya'y mag fa-flying kiss at tsaka ako bubulong ng Goodnight.
Uwian. Hatak hatak ko ang stroller ko nang mapadaan ako sa tindahan, iyong mga kaklase ko, nagkakainan ng ice drop. naiinggit ako, kaso wala akong pera. Si Henry, iyong mayabang kong kaklase, na madalas mang-asar sa akin ng; "Ano, nakakain ka na ba sa Jollibee? hindi pa, wala ka pala eh!" na sinasagot ko naman ng; "Siguro nakakabobo ang Jollibee, kasi bobo ka eh!" na ikinapipikon niya at iniiyakan, nakatitig siya sa akin at iniinggit niya ako ng dinidiladilaan niyang ice drop. Hindi ko siya pinansin. Nang mapadaan ako sa Morning Breeze Church, pumasok ako doon, hindi para magdasal. May malaki kasing electric fan at gusto kong magpahangin at maupo saglit. Sa harapan ko ay may isang matandang babae na nagdadasal. Lumapit ako sa kanya at kinalabit ko siya.
"Bakit ka nagdadasal?"
"Kasi may ipinapakiusap ako kay God."
"Nasaan ba si God?"
"Nasa heaven."
"Patay na siya?"
"Hindi, buhay siya."
"Eh bakit nasa heaven siya? 'di ba patay lang ang nasa heaven?"
"Paglaki mo,maiintindihan mo."
"Hindi ka niya maririnig kung bumubulong ka."
"Bakit naman?"
"Ang layo layo kaya ng heaven."
Niyakap ako nung ale at hinalikan sa noo. sabi niya, bibo daw ako. pero tingin ko, masama lang talaga ugali ko.
Pagkaalis nung ale'y lumuhod din ako at nagdasal. "Papa God,gusto ko ng ice drop, bigyan n'yo ko ng ice drop." Iyon ang unang dasal ko. Tumayo na ako at palabas na ako ng simbahan nang makita ko iyong isang babae na umiiyak. Nakatayo siya sa paanan ng rebulto ni Jesus Christ na nakahiga na nasa loob ng box na gawa sa salamin. Ipinasok niya 'yung kamay niya sa butas na bilog at nagdasal.
Naisip ko, siguro kailangan ko ding umiyak at ipasok 'yung kamay ko d'un sa butas, baka sagutin ni Papa God ang dasal ko. Hinintay kong makaalis 'yung babae. Nang wala na siay'y inilabas ko lahat ng libro ko sa stroller ko, pinagpatong patong ko sila at tinuntungan. (hindi ko kasi abot 'yung butas) Umiyak ako, (syempre drama lang 'yun) at nagdasal, tapos ipinasok ko din 'yung kamay ko d'un sa butas. May nakapa akong bilog, kinuha ko iyon at nagulat ako na may piso akong hawak hawak. Tuwang tuwa ako, kasi naisip ko, binigyan ako ni Papa God ng pambili ng ice drop.
Inisip ko noon na sinagot agad ng Diyos ang dasal ko.