Naisip ko na ang clitoris ko ay ang Gravity na humihila sa akin pababa, minsan nama'y para siyang pakpak na nagdadala sa akin sa pinakamataas na parte ng langit, kung saan, wala doon ang Diyos sa luklukang inaasahan ko na pagkakakitaan ko sa kanya, at sasabihin niya sa akin na; "Ikaw ay hindi kailanman nagkasala." o kaya naman ay isang compass na nagtuturo sa akin sa tamang direksyon ng mga nais kong mapuntahan, mga lugar na kay daming tagong damdamin na naghihintay para aking tuklasin. Ngunit madalas, pakiramdam ko'y isa lamang siyang manika katulad ng mga manikang iniiyakan ng mga batang babae sa department store para lamang ibili sa kanila ng kanilang mommy, o isang mamahaling robot na tinititigan lamang ng mga batang lalaki dahil alam nilang hindi nila ito afford.
O katulad ng maiilap na paro paro na pakiyeme kung dumapo sa mga damo...
Ngunit araw araw, nagsilbi siyang isang gutumin at matigas ang ulong alaga na kahit na pakainin ko pa ng pakainin ay nanatiling gutom, na kahit alagaan ko pa at paliguan at mahalin, kakagatin pa din niya ang aking kamay, pagtataksilan pa din niya ako at ipagkakanulo.
Umabot ng matagal na panahon bago ko iniwan ang casual sex, may kalakip na nangungutyang nostalgia ay inaalala ko ito minsan, ang tradisyon nang pakikipagkantutan sa mga taong hindi ko lubos na kilala at hindi kailanman itinangi sa aking buhay, mga taong saglit lamang na dumating at nang umalis ay nanatili akong walang pakialam, bumabalik ang lahat ng ito sa akin tuwing dumadaan ang parada ng mga alaala, at muli kong lalakbayin ang lahat lahat gamit ang aking compass na nagsisilbing guide ko sa direksyon at dahil dito, nakakabalik ako sa reyalidad.
Dumating din ang araw na nanikluhod ako sa civilized sex na nagbigay sa akin ng isang makamanhid utak na orgasmo mula sa mga love letters ng pag-ibig, relasyong iniingatan at babaeng kauna-unahan kong minahal.
Hindi iyon kailanman naging madali, dahil noon, para sa akin, ang pag-ibig ay tanda ng isang kahinaan. Ang pinakamalupit na kahinaan.
Ngunit babae ako. O ano naman ngayon? Pero babae ako, babae... babae...
Babae.
Katulad ng pag-ibig, hindi din naging madali sa akin ang pag o-orgasmo. Fifteen years old ako nang pagdudahan ko ang sarili ko, ang kakayahan ko. Noong naging boyfriend ko si Carlo at halos wala pa kaming isang buwan ay nag me-make out na kami'y alam ko na agad ang deperensiya. Putang ina, hindi ako nilalabasan.
Batang bata pa ako noon at hindi ko pa lubusang naiintindihan ang mga bagay bagay tungkol sa sex. Ang alam ko, magpapatungan kayo, maghihindutan at lalabasan at doon magtatapos ang lahat, pero hindi nagtatapos para sa akin ang lahat, dahil kahit anong gawin ko, hindi ako nilalabasan.
Third year College ako nang inisip ko na baka may sakit ako, na baka may sapak ako sa kukote, ngunit nanahimik ako, kasama ang mga disoriented kong egg cells, at ako'y nanatiling mas malamig pa sa frozen corpse na matagal nang nakaimbak sa isang morgue ref.
Naniniwala ka ba sa engkantada?
Eight years old ako nang makaramdam ako ng matinding lungkot at pangungulila. Gusto kong makita si Mama o kahit marinig lang ang boses niya, gustong gusto ko ng yakap ng isang Ina nang mga oras na iyon, ngunit wala si Mama kaya sinarili ko na lang ang lahat.
Alas diyes ng umaga, sabado, 1991, pumunta ako nang St. Peter and St. John Parish na nasa Orange Road ng Malabon. Oo nga't hindi ako mahilig magdasal ngunit kapag nasa estado ako ng kalungkuta'y simbahan ang unang lugar na naiisip kong puntahan.
Pagpasok ko ng gate ay dumiretso ako sa Balcony ng simbahan, doon tanaw ko ang dikit dikit na bahay ng Vanyas at ang malawak na kangkungan ng Araneta. Mula sa kinauupuan ko'y nakarinig ako ng maliliit na tawa ng isang batang babae. Sumilip ako sa baba at sa bakanteng lote sa gilid ng simbahan ay natagpuan ko siya. Nakaupo siya sa mga lumang naglalakihang bato katabi ng isang basag na rebulto ng anghel na madungis. May hawak siyang maliit na basket na gawa sa iba't ibang kulay na straw, sa loob ng basket ay mga bulaklak ng gumamela at bougainvillea. Napakaputi niya, para siyang kumikinang sa kaputian. Tumatawa siya habang pinagmamasdan niya ang dalawang paro paro na lumilipad lipad sa ibabaw ng palad niya. Nilapitan ko siya.
Nag-usap kami, alam ko na nag-usap kami ngunit kahit anong gawin kong piga sa memorya ko'y hindi ko na maalala kung ano ang pinag-usapan namin. Ngunit naaalala ko ang tinig niya, malamig na parang humuhukay sa lupa, ang tinig niyang umuukilkil pa din sa utak ko hanggang ngayon nang sabihin niya sa akin ang pangalan niya.
"Mirasol."
Oo, Mirasol ang pangalan niya. Hinawakan niya ang kamay ko at inaya ako sa kung saan. Pupunta daw kami sa hardin ng bahay nila. May malaki daw silang bahay. Malaki, malaking malaki.
Tinahak namin ang kalye papunta sa Duryan street at sa harapan nga ng isang malaking bahay na may mahabang terrace na kulay pula'y pumasok kami sa isang makipot na daan na sa magkabilaang gilid ay punong puno ng halaman at bulaklak. Pagkapasok ko'y hindi ko matanaw ang langit dahil sa mga matatabang ugat na gumapang pataas at nagsilbing bubungan, puno din iyon ng mga bulaklak. Akit na akit ako sa buong lugar, habang si Mirasol ay nagtatakbo papasok. Huminto siya at lumingon sa akin, nakangiti niya akong kinawayan at inaya papasok. Humakbang ako, ngunit nang pagkatitigan ko ang hardin ay napansin kong para siyang walang katapusang eskinita. Parang napakahaba niya at hindi maabot ng tanaw ko ang pinakadulo nito. Bigla akong tinamad. Tumalikod na ako at lumabas, bago ako tuluyang makalabas ay nilingon ko si Mirasol, nakatayo lamang siya doon, wala na ang ngiti sa kanyang labi. Kumaway ako sa kanya ng pamamaalam at tsaka ako tuluyang umalis.
Ipinangako ko sa aking sarili na babalik ako dito mamayang hapon. Babalikan ko siya.
Ngunit napansin ko na madilim na ang paligid. Nagmamadali akong naglakad at sumuot sa VMN Compund, may shortcut kasi doon papunta sa street namin at nakita ko si Ate Oli at Ate J, nang maispatan nila ako'y mabilis nila akong nilapitan. Hinawakan ni Ate J ang kamay ko samantala nama'y pinapagalitan ako ni Ate Oli na may bonus pang kurot at pingot.
Pinalo ako ni Ate Oli nung gabing iyon. Halos buong araw daw akong nawala at hinanap na nila ako kung saan ngunit hindi nila ako makita. Gusto kong sabihin na saglit lang naman kaming nagsama ni Mirasol. Ngunit nanatiling tikom ang bibig ko.
Hindi ako pinalabas ni Ate Oli ng bahay nung Linggo at mula sa bintana namin ay tinatanaw ko ang Krus sa tuktok ng simbahan ng St. Peter and St. John Parish, at ibinubulong ko sa hangin na babalikan ko si Mirasol, babalikan ko siya.
Twenty one years old na ako nang una kong malasap ang unang bugso ng orgasmo. Kay Hazel. Kaya ko siya siguro minahal noon ng todo todo, kaya siguro siya ang unang babaeng inibig ko, dahil siya ang unang taong nakabasag sa pader na itinayo ko palibot sa sarili ko.
Siya din ang unang taong pinagkwentuhan ko ng lahat lahat ng kaletsehan ko sa buhay.
Sa mga nauna kong naging partner ay napakadali para sa akin ang mameke ng orgasm, sa pinakaperpektong paraan, ngunit mahirap palang makipag sex sa isang Psychologist. Noong una naming gabi'y sinimulan ko agad ang ritwal nang pakikipagkantutan. Katulad nang nakasanayan kong gawin, inumpisahan ko iyon sa mahihinang ungol, pinilit kong maramdaman siya, pinilit kong makiliti o malibugan sa mga halik at haplos niya, ngunit katulad noong mga nauna sa kanya'y wala ding nangyari, dahil sa habang umuungol ako at ginagampanan ng katawan ko ang papel ng isang karakter na na tu-turn on sa sex mate niya'y biglang pumasok sa isip ko kung naipasok ko ba ang mga sinampay sa loob ng bahay, kung napakain ko ba ang mga alaga kong love birds, ang mga grade ko sa school na kailangan kong ayusin dahil baka hindi ako maka graduate, ang libro ni Anne Rice na matagal nang natutulog sa kabinet ko... at naramdaman niya iyon. Dahil pagkatapos namin ay titig na titig siya sa akin.
"You are sick." ang sabi niya. "You don't know how to fake your orgasm properly." Tumawa lang ako at tumayo. Nagbihis at gumawa ng egg sandwich.
Sa mga sumunod naming make out scene ay nagpatuloy kaming bigo. Hindi tumatalab sa akin ang kanyang mga maneuver, ang kanyang mga technique at gayon din ako sa kanya. Hindi tumatalab ang talento ko sa kanya. Ang mameke ng orgasm.
Pinag-usapan namin iyon ni Hazel. Madami daw akong sexual fantasies na hindi ko inilalabas. Huwag daw akong mahiya pagdating sa sex. Maging malaya daw ako at huwag kong limitahan ang sarili ko. Pagkatapos nang pag-uusap naming iyon ay ilang gabi din akong hindi nakatulog. Nakahiga lang ako sa kama ko at nakatitig sa kisame. Ang sabi niya subukan ko daw magsarili kahit minsan lang, ngunit hindi ko iyon magawa kahit kailan.
Ngunit kailangan ko ng lumabas sa aking libingan. Matagal na akong nakalibing, kailangan ko ng harapin ang katotohanan. Kaya't nang puntahan ko siya noong gabing iyon sa bahay niya, mahigpit ko siyang niyakap at lumuluhang (iyon ang unang iyak ko sa harapan ng iba) bumulong sa kanya; "Love me, please, I want you to love me..."
At kahit alam kong nagkukunwari lang siya na mahal niya ako noong mga sandaling iyon, nilabasan ako, ibinigay niya sa akin ang isang mind numbing orgasm na hindi ko kailanman naranasan sa iba, at iyon ang unang pagkakataon na tinawag ko ang mga naganap na hindi sex, kundi love making.
Dahil sa ka una unahang pagkakataon sa buhay kong pinuno ng lamig at takot, hinubaran ko ang kaluluwa ko't ipinakita sa kanya ang kahinaan ko, at ako'y umibig. Umibig ng labis labis.
Seven years old ako nang mag-alaga ako ng hermit crab na pinangalanan kong Luchie, kahit na hindi ko alam kung ano ang kasarian niya'y inisip ko pa din na babae siya. Bakasyon noon, mula sa isang linggong pananatili ni Ate J sa La union ay iyon ang ipinasalubong niya sa akin. Tuwang tuwa ako. Halos buong hapon ay hindi ako lumabas ng bahay, nakaupo lang ako doon sa balkonahe namin sa likod bahay at pinagmamasdan siyang gumagapang sa palad ko, papunta sa braso ko. May dalang kiliti ang mga galamay niya at si Luchie ang unang nilalang dito sa mundo ang sinabihan ko ng; "I love you"
Nang dumating si Luchie sa akin ay nakalimutan ko ang paglabas ko ng bahay tuwing alas kwatro para makipaglaro, nakalimutan ko ang pagpunta namin sa Kang kungan sa Araneta, nakalimutan ko na ang holen, ang goma, ang tansan, ang paper doll, ang habulan sa Garahe. Nakalimutan kong lahat iyon at ang tanging nasa isip ko ay si Luchie.
Inilagay ko siya sa isang fish bowl na hiningi ko sa kalaro kong si Gieann. Nilagyan ko ito ng buhangin at mga batong kinuha ko pa sa riverside. Araw araw ko siyang pinapakain at naging maligaya kaming magkaibigan at magkalaro.
Ngunit bago magtapos ang bakasyon ay iniwan ako ni Luchie.
Isinama kaming magkakapatid noon ng Tita ko sa Mindoro at isinama ko si Luchie. Naisip ko, matutuwa siya kasi makakakita siya ulit ng dagat. Nagswimming kami sa Naujan Beach. Nakaupo ako sa buhangin at nasa kamay ko si Luchie. Inilapag ko siya sa buhangin at mabilis siyang naglakad palayo sa akin. Huli na para kunin siya ulit dahil humukay siya sa buhanginan at sumuot doon at hindi ko na siya nakita. Kahit na hinukay ko pa ang buhanging pinagsuotan niya'y hindi ko na siya nakita pa. Iniyakan ko si Luchie. Dahil isinawalang bahala niya ang masasaya naming pagsasama, kinalimutan niya ang pag-aalaga ko, ang pagmamahal ko...
Nang tanungn ako ni Ate J kung nasaan na si Luchie, ang tanging nasabi ko ay; "Bumalik na siya sa mundo niya. Iniwan niya na ako." na sinagot naman ng kapatid ko ng isang yakap at gusot sa buhok. "Huwag ka mag-alala, marami pang luchie ang darating sa buhay mo."
Tama si Ate J. Maraming Luchie ang dumating sa buhay ko.
+++
