Lunes, Hulyo 18, 2011

Hightide sa Malabon

Ang Unang pagbaha: hanggang bukong bukong.


Kanina pagkagising ko'y hindi sinasadyang nakurot ko ang kaliwang utong ko. Masakit pala, at naisip ko, iyon na siguro ang pinakaweird na paraan para umpisahan ang araw ko at ang sulating ito.

Sa Malabon ako lumaki. Hindi naman binabaha ang lugar namin na Boundary na ng Caloocan-Malabon. Sa loob ng childhood years ko, wala pa akong naaalalang prinoblema namin ang baha, kaya nga ako ma'y nag-iisip kung bakit ito ang napili kong titulo ng isinusulat kong ito.

Mamaya, tutuklasin natin.

Iilang tao pa lang ang nakakaalam ng kakapiranggot na kwento ng buhay ko. Ang unang paglalakas ng loob kong i-kuwento ito sa pamamagitan ng panulat ay noong bagong Miyembro pa lang ako ng Filipino Writer, December iyon, 2008. Binigyan ko ito ng isang titulong nagpapakita ng kay raming childhood hang ups; "Dalawampu't limang taong tulog si Santa Clause." Maraming nag comment d'un, at nakatanggap din ng marami raming views, Pero last May lang ay binura ko na. Hindi ko alam kung bakit, basta, binura ko na siya.

Isa ang Childhood memories ko ang iniiwasan kong maging subject ng mga isinusulat ko, ngunit sa buhay ng isang nangangarap na maging writer, isa iyong bagay na hindi maiiwasan. kailangan mo itong balikan, at ang pagbabalik doon ay hindi nangangailangan ng pacute, patweetums na proseso, lagi itong mahirap, lagi itong malupit, lagi itong masakit.

Totoo naman ang laging pumapasok sa isip ko, hindi excuse ang ginawang kagaguhan sa iyo ng mundo para piliin mong maging tarantado. Totoo din na kahit ilang beses ka pang kantutin ng tadhana sa paraang kinasusuklaman mo'y hindi excuse na manggagagahasa ka na din ng buhay ng may buhay.

Isa iyong malaking kaululan.

Talentado ako. Alam ko 'yun dahil iyon ang katotohanang ipinagsisigawan sa akin tuwing nakaharap ako sa salamin ng mga mata ng mga taong nakakaharap ko. Isang katotohanang may dalang sumpa dahil ang talento ko'y walang pagkakaiba sa isang walang kakwenta kwentang pelikulang ishinooting sa loob lamang ng isang linggo na kung hindi pa siguro nagpakita ng suso at pekpek at titi at mga nakahubad na katawang nagkakantuta'y malamang, nilangaw na ito sa takilya, pero dahil sa ginawa itong salsalan ng bayan, ayun, pinasok at pumatok at tumabo pa, saan ka?

Ito ang reyalidad ng buhay ko, isang katotohanang hindi ko tinakasan, hinarap ko ito kahit alam kong ako na 'ata ang pinakaduwag na babae sa buong mundo. Ito ang reyalidad, kung paano ako nakipagtorohan sa kapalaran at nakipag one night stand sa mga estrangherong gabing hindi ko na mabilang.

Ito ang reyalidad kaya makinig ka. Makinig ka at mag imagine.

Noong bata pa lang ako'y tatlong bagay ang bumuo ng obsesyon ko. Butterfly, Barbie doll at ang Babae sa buwan.

Naaalala ko noon, madalas kaming pumupunta sa kangkungan sa Araneta, likod iyon ng squatters area sa Reparo. Malawak iyon, maraming puno, maraming taniman ng kangkong at madamo. Para sa amin, iyon ay isang magandang paraiso.

Kakatapos lang noon ng ulan nang takasan ko si Ate at lumabas ng bahay para maglaro, ayokong ayoko kasi ang routine namin noon na kailangan kong matulog sa katanghaliang tapat, iyon ang unang pagkakataong sinuway ko ang bilin sa akin ni Ate na pumirmi sa bahay at matulog.

Pumunta kami sa Araneta. Bago ka makarating doo'y kailangan mo munang sumuot sa masisikip na eskinita ng Vanyas, tapos ay aakyatin ang isang burol ng basura para makasampa ka sa pader, at sa likod ng pader na iyon ay ang aming paraiso.

Manghang mangha ako noon dahil sa napakaraming paro parong nagliliparan sa damuhan. Sumisikat na din ang araw at may bahagharing nakapinta sa kalangitan.

Inggit na inggit ako kay Duday dahil nakakahuli siya ng paro paro na inilalagay niya sa bote, inggit na inggit din ako kay Aya dahil dinadapuan siya ng paro paro sa ulo, sa kamay at sa balikat, samantalang ako'y nilalayuan ng mga ito. Hindi nagtagal ay dumami na ang mga bata na nagdatingan, nagtatakbuhan sila sa damuhan, nanghuhuli ng paro paro at nagtatawanan. Pinilit kong manghuli kahit isa lang, ngunit hindi ko magawa.

Ang parteng ito'y ginawa kong simula ng isa kong kwento: Kaya nagalit ako, galit na galit ako sa mga paro paro, ayaw kasi nila sa akin. Hindi sila nagpapahuli sa akin, samantala, ang halos lahat ng kalaro ko ay nakakahuli ng paro paro na inilalagay nila sa bote ng meyoneys kasama ang mga bulaklak ng santan at gumamela.

Ayaw nila sa akin, kaya ayoko na rin sa kanila.

Kumuha ako ng patpat at naupo sa damuhan. Naghintay, nag-abang.

Lagot ka sa akin, tang ina ka ha, lagot ka sa akin, makikita mo...

Isang kulay puting paro paro ang lumipad lipad. Pinigil ko ang aking paghinga. Hindi ko nilubayan ng tingin ang paro paro at dahan dahan itong dumapo sa mga maliliit na ligaw na bulaklak malapit sa aking harapan. Itinaas ko ang patpat at ito ay humampas sa hangin...

Iyon ang unang krimen sa kalikakasan ang nagawa ko. At alam kong hindi iyon ang magiging huli.

Sabi ni Ate, ako daw ang pinakamabait sa aming magkakapatid, dahil ako ang talagang sumusunod sa kanya. Iyon nga lamang at may ilang pagkakataon daw na naisip niyang abnormal ako, dahil may mga araw na nakaupo lang daw ako sa isang sulok at nagda-drawing o kaya'y nagsusulat o kaya'y nagkukulay at naggugupit gupit, minsan naman daw ay nakatingin lang ako sa labas ng bintana at kailangan pa akong kurutin para lang masigurado nilang buhay pa ako.

di urong daw ako noon. Kapag nakaupo daw ako sa shig at nagkataong naglilinis si Ate ng bahay ay binubuhat niya ako at iniuupo sa sofa o kaya'y inuurong para makapagwalis siya.

Ako lang ang nakakaalam kung ano ang naglalaro sa utak ko noong mga sandaling iyon. Ako lang at wala ng iba, at wala akong maaalalang ibinahagi ko na iyon o ikinuwento kahit kanino.

Grade one ako nang unang beses kong marinig ang salitang "Autistic" Unang araw ng klase iyon, ako ang pinakabata sa amin. Limang taon lang ako noon at gulat na gulat si Teacher kasi marunong na akong magbasa at magsulat, at hindi lang pangalan ko ang kaya ko nang isulat noon, at hindi lang Abakada ang kaya kong basahin. Si Ate kasi, magaling magturo, pinipingot niya ako at kinukurot sa tagiliran kapag hindi ako nakakapagsulat at nakakabasa ng maayos. Bago magpasukan ay tinuruan niya ako, buong bakasyon noon, wala kaming ginawa kundi iyon at naaalala ko na tuwing sabado at linggo lang ako nakakapaglaro, kaya naman tuwang tuwa ako noon pagnatapos na ang Connie Reyes on Camera na paborito niyang panoorin tuwing sabado at Lovingly yours helen naman tuwing Linggo dahil iyon ang hudyat na makakalabas na ako ng bahay at pwede ko ng tigilan ang aking pagtutulug tulugan.

Sandali, naligaw na ako, ikukwento ko pala 'yung unang araw ng klase ko noong grade one.

Tinanong kami ni Teacher noon kung ano ang Talent namin, iyong mga kaklase ko hindi sumasagot, kasi hindi nila alam kung anong ibig sabihin ng talent, kailangan pang ipaliwanag iyon ni Teacher ng word by word, pero wala pa din sa kanila ang sumagot kaya nagmalaki ako at sinabi ko na kaya ng kaliwang kamay ko ang magdrawing habang 'yung kanan naman ay kayang magsulat. Gulat na gulat siya noon sa sinabi ko, inutusan pa niya ako na ipakita sa kanya iyon kaya ginawa ko iyon sa blackboard. Tuwang tuwa 'yung mga kaklase ko at si Teacher, ibinilin niya ang klase namin sa katabing Teacher at pumunta kami sa Guidance Counselor. Narinig ko na sinabi ni Teacher na baka daw Autistic ako.

Kung alam ko lang ang ibig sabihin ng Autistic nung mga panahong iyon, marahil namura ko si Teacher mula ulo hanggang paa.

Hindi ko alam, ngunit hindi ako mahilig magdasal noong bata ako. Basta ang alam ko, bago ako matulog, pilit kong hinahanap ang buwan sa bintana namin, o kaya'y umaakyat ako sa bubong namin (na madalas maging dahilan kung bakit ako pinapalo ni Papa) para lang makita iyon, at pagnakita ko na siya, kakaway ako sa kanya o kaya'y mag fa-flying kiss at tsaka ako bubulong ng Goodnight.

Uwian. Hatak hatak ko ang stroller ko nang mapadaan ako sa tindahan, iyong mga kaklase ko, nagkakainan ng ice drop. naiinggit ako, kaso wala akong pera. Si Henry, iyong mayabang kong kaklase, na madalas mang-asar sa akin ng; "Ano, nakakain ka na ba sa Jollibee? hindi pa, wala ka pala eh!" na sinasagot ko naman ng; "Siguro nakakabobo ang Jollibee, kasi bobo ka eh!" na ikinapipikon niya at iniiyakan, nakatitig siya sa akin at iniinggit niya ako ng dinidiladilaan niyang ice drop. Hindi ko siya pinansin. Nang mapadaan ako sa Morning Breeze Church, pumasok ako doon, hindi para magdasal. May malaki kasing electric fan at gusto kong magpahangin at maupo saglit. Sa harapan ko ay may isang matandang babae na nagdadasal. Lumapit ako sa kanya at kinalabit ko siya.

"Bakit ka nagdadasal?"
"Kasi may ipinapakiusap ako kay God."
"Nasaan ba si God?"
"Nasa heaven."
"Patay na siya?"
"Hindi, buhay siya."
"Eh bakit nasa heaven siya? 'di ba patay lang ang nasa heaven?"
"Paglaki mo,maiintindihan mo."
"Hindi ka niya maririnig kung bumubulong ka."
"Bakit naman?"
"Ang layo layo kaya ng heaven."

Niyakap ako nung ale at hinalikan sa noo. sabi niya, bibo daw ako. pero tingin ko, masama lang talaga ugali ko.

Pagkaalis nung ale'y lumuhod din ako at nagdasal. "Papa God,gusto ko ng ice drop, bigyan n'yo ko ng ice drop." Iyon ang unang dasal ko. Tumayo na ako at palabas na ako ng simbahan nang makita ko iyong isang babae na umiiyak. Nakatayo siya sa paanan ng rebulto ni Jesus Christ na nakahiga na nasa loob ng box na gawa sa salamin. Ipinasok niya 'yung kamay niya sa butas na bilog at nagdasal.

Naisip ko, siguro kailangan ko ding umiyak at ipasok 'yung kamay ko d'un sa butas, baka sagutin ni Papa God ang dasal ko. Hinintay kong makaalis 'yung babae. Nang wala na siay'y inilabas ko lahat ng libro ko sa stroller ko, pinagpatong patong ko sila at tinuntungan. (hindi ko kasi abot 'yung butas) Umiyak ako, (syempre drama lang 'yun) at nagdasal, tapos ipinasok ko din 'yung kamay ko d'un sa butas. May nakapa akong bilog, kinuha ko iyon at nagulat ako na may piso akong hawak hawak. Tuwang tuwa ako, kasi naisip ko, binigyan ako ni Papa God ng pambili ng ice drop.

Inisip ko noon na sinagot agad ng Diyos ang dasal ko.


+++