Lunes, Hulyo 18, 2011

Lucid Dream

Napakakulay. Dito'y mahal mo ako... dito'y ako lamang ang nais mo.
Dito'y magkahawak kamay nating pinapanood ang paglubog ng araw,
tanging tayo lamang dalawa...



Ngunit ang mundo'y hindi kailanman magiging isang diretsong linya ng mga panaginip, isang hanay ng mga dapit hapon at ariwanas dahil lumuluha din ang langit...

Nabibigo din ang panaginip.

sa bawat taludtod, sa bawat saknong, pagkatapos o bago ang mga naghihinampong tuldok ay ang mga laktaw... laktaw sa bawat panaginip, sa bawat bangungot, laktaw sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingang gawa lamang ng ilusyunadang puso't isipan.


at hahakbang ako pasulong at paatras... paulit-ulit, at sinusundan ako ng maraming laktaw na iyon. Marami, maraming marami. Kung ang bituin sa langit ay nabilang ko, ang mga laktaw ay hindi... sumabog sila sa paligid ko at kasama nila akong nadurog.

at matatagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng mga laktaw na iyon, patuloy na nalilito. Naguguluhan.


Hindi ko nais mabuhay sa gitna ng mga espasyo at laktaw, lalong hindi ko nais makulong sa mga saknong. Ngunit sa paghahanap ko sa dulo ng mga salita nang pagkaroon at pagkawala, nalaman ko na minsan, ang panaginip ko'y hindi din ako kayang kalingain...

Isusuka.niya.ako.palabas.pabalik.sa.reyalidad.sa piling.ng.mga.tuldok.

at hindi ako maililigtas ng maraming laktaw.


May mga pagkakataong pansumandaling humihinto ang daigdig sa pag-inod, at sa mga sandaling iyon, lahat ay hindi kikilos... lahat ay magiging manhid. Maliban sa ating dalawa.

Ikaw at Ako.
Lamang.

Matitira tayo sa gitna nang kahintuan at wala tayong ibang madirinig kundi ang rumaragasang tibok ng pagod na nating mga puso.

sa gitna ng isang napakalawak na laktaw ng ating mga panaginip... 



at sa pagluwag ng mga yakap, sa panlalamig ng halik, batid kong mayroong natatapos. Tulad nang paghihintay natin sa pagbagsak ng bulalakaw, at ang hindi nito pagdating, tulad nang pagkapagod ng iyong mata sa pakikipagtitigan sa akin, tulad nang pagkabagot mo sa pag-abang ng talang mahuhulog mula sa langit... tulad nang pagkapagod mong maghintay, tulad nang pagkasawa mong humiling.


Minsan, darating sa buhay natin na makakakita tayo ng isang napakaputlang dapit hapon...


at doon darating ang isang laktaw... 
na susundan ng                                                           isa pa, 
                                              at isa pa... 

                                                                                                                           at isa pa

hanggang sa ito'y maging isang napakalayong 







distansiya.





ito ang trahedya nang muling pagkagising.