October 30, 2010
Kagabi, parang bigla akong bumata nang labing anim na taon. napaka pamilyar nang pakiramdam, sabi ko sa sarili ko, dapat kapag dumadating ang ganitong pagkakataon dapat sanay na ako, dapat ‘di na ako nakakanti ng lungkot, dapat sa edad kong ito at dapat sa lahat nang dinanas ko, hindi na ako masasaktan.
tahimik ang buhay ko kahapon. walang masyadong diskurso at rigudon sa opisina, kahit na maraming trabaho at halos kasing kapal ng RA 9184 ang papeles ng mga suppliers na kailangan kong tawagan at kausapin para sa additional requirements nila at sa dami ng notices at resolution na dapat lakarin at i-follow up ay tahimik pa din ang buong maghapon ko, dahil naging abala ang utak ko sa trabaho at nakaligtaan ko ang mga bagay na nagpapabigat sa loob ko. pero dumarating talaga ang sandali na mauupo ako, bibigyan ng break ang sariling mag-isip, magyosi at magpahinga, at doon ko na naman mararamdaman ang chaotic resonance na nampe-pressure sa utak ko.
ayokong i-kwento ang mga bagay na iyon o ang mga dahilan, pero marami sila, minsan nga hindi ko na alam kung sino sa kanila ang uunahin kong pansinin, kasi lahat sila, nangangalabit, nagpapapansin, hindi nila ako nilulubayan, lagi silang nandiyan,
nananakit.
ganitong ganito ang pakiramdam ko noon, noong eleven years old ako, pagkatapos maganap sa buhay ko ang isang pangyayaring naging malaking parte sa paghubog sa akin kung ano man ako ngayon, kung bakit napakarami kong teenage angst, kung bakit madalas kong binebrainwash ang sarili kong utak sa mga bagay na ayokong tanggapin, dahil ayoko itong paniwalaan, dahil gusto ko itong takasan na lamang sana.
naaalala ko, pagkatapos iyong mangyari, naupo lamang ako sa isang sulok ng kwarto at nag-isip. maraming tanong ang biglang nagsulputan sa utak ko noon, mga katanungan na hindi ko masagot, sabi ko noon, ang bata bata ko pa para masagot iyon, tsaka ko na hahanapin ang mga kasagutan kapag matanda na ako. Umiyak ako noon, iyak na talagang iyak, iyong may kasamang sipon, hikbi at atungal. wala namang makakarinig sa akin, kasi mag-isa lang ako noon sa bahay. Iyon ang perfect cry ko, iyong kumpleto ang lahat ng sangkap nang pag-iyak, iyon ang huling perfect cry na ginawa ko,dahil pagkatapos nang araw na iyon, wala ng perfect cry na hinayaan kong maganap sa buhay ko.
…at ngayong matanda na ako, bakit hindi ko pa din alam ang mga sagot? bakit hindi tumigil sa pagsulpot ang mga tanong? bakit hinahabol nila ako?
kahapon, tamad na tamad akong mag internet. masakit na mata ko sa pagbabad sa computer, kaya sa CP ko na lamang ako nag check ng message. iyong dalawang hinihintay ko na messages ay hindi dumating, lumipas ang ala singko’t, ala sais hanggang sa makauwi na ako’y walang dumating, parang paghihintay ng mga signs, hindi mo alam kung darating pa ba, hindi mo alam kung may hinihintay ka nga ba.
Balak ko sanang mag MRT, kaso wala ako sa mood ma stress ngayong pauwi na ako, dahil ibang pagod at bigat ang nararamdaman ko ngayon. naramdaman mo na ba ‘yung parang nakahiga ka sa gitna ng dagat at lahat ng pressure ng tubig nakapatong sa dibdib mo habang may isang aninong hindi mo kilala ang kumakantot sa iyo? ganoon ang nararamdaman ko kagabi.
habang nasa daan ako’y hawak hawak ko ang CP ko, nagta-type ng message… pinag-iisipan kong mabuti ang mga sasabihin ko.
…alam mo ba na ang lungkot lungkot ko ngayon?
hindi ko agad sinend. kasi kanina, pinadala ko na ang message na iyon sa dalawang taong gusto kong hugutan sana ng lakas, ngunit pareho silang hindi nagreply.
ayokong maramdaman ulit ‘yung pakiramdam na ganoon, ‘yung mag-iinit ang mata mo pati ang dibdib mo pero mariin mo na lang na kakagatin ang labi mo kasi kailangan mong pigilan ang luha mo, dahil hindi iyon ang tamang oras at lugar para maging emosyunal.
ise-send ko na sana ang text message nang magblink blink ang gitnang button ng CP ko. May text message. Binura ko ang sinusulat kong message sa screen at agad na binasa ang message.
…bahala ka na, akala mo i-te-text pa kita? gudnyt!
para akong binaril sa nabasa ko. palihim kong pinunasan ng daliri ko ang sipong sumusungaw sa ilong ko at pinagpatuloy ang paglalakad ko.
pagkauwi ko ng bahay ay naabutan ko ang ate ko na nakabihis. ngiting ngiti siya sa akin. May date daw sila ng Bf niya at pagkatapos niya akong bilinan na may pagkain sa loob ng oven at bukas na siya ng umaga uuwi’y inutusan niya akong maghugas ng mga platong kinainan pa namin kagabi.
Gusto kong magwala. pero noong mga oras na iyon, doon ko naisip na wala kahit isang tao sa mundong ginagalawan ko ang nakakaalam at nakakaintindi ng mga pinagdadaanan ko, ng mga pinagdaanan ko, ng mga nararamdaman ko, ng mga naramdaman ko. wala.
habang naghuhugas ako ng plato’y gusto nang tumulo ng luha sa mga mata ko. wala na ang ate ko, umalis na. mag-isa na naman ako. parang noon, katulad ngayon.
naupo ako sa sofa at nagbasa ng mga messages sa inbox ko. naalala ko si mama, tinext ko siya. nangungumusta. pagkatapos ng isang minuto’y nagreply siya.
…bili mo ako ng isang kilong ubas, iyong seedless ha, dalhin mo bukas pagkaluwas mo dito.
pagkatapos ng reply ko sa kanya na “okay, ma…” wala na akong nareceive na text mula sa kanya.
kailan kaya may isang tao na maiintindihan ang gusto kong sabihin sa likod ng aking tahimik na salitang
“kumusta ka na?” siguro, hindi na darating ‘yun.
pagkatapos kong magshower ay umakyat na ako sa kwarto. naupo sa gilid ng kama ko at nag-isip.
ilang tao na nga ba ang nangako sa akin na kaya nila akong alagaan, pasayahin at ingatan? ilan na nga ba ang nagsabing tatanggapin nila ako mula sa pinakapangit na bahagi ng pagkatao ko? na maiintindihan nila ang dark side ko?
pero wala silang ibang ginawa kundi ang basahin ako ng pilit, na parang naging isa lang akong malaking challenge sa kanila, challenge na kailangan nilang maipalabas ang mga sinisikreto kong emosyon, luha at kalungkutan. iyon ang mga bagay na hirap na hirap akong ipakita sa ibang tao.
lahat sila, hindi maintindihan ang pananahimik ko, para sa kanila, ang kagustuhan kong mag-isa saglit ay tanda nang panlalamig. at lahat sila’y hindi ko maramdaman tuwing kailangan ko sila, na kahit kasama ko sila, pakiramdam ko’y mag-isa pa din ako, na hindi ko maramdaman ang comfort na hinahanap ko mula pa noong pagkabata ko.
walang makakapagbigay noon sa akin, dapat ko na sigurong tanggapin na lamang sa sarili ko na isa akong talunan.
ngayon, kailangan ko na namang tahakin ang isang landas na kay lungkot, iyong landas patungo sa pag-iisa, at alam kong hindi ako mahihirapan dahil saulado ko na ang mga daan, ang bawat likuan, ang bawat kalye.
hindi ako maliligaw.
oo nga, iyon ang mga sandaling parang noon, katulad ngayon, dahil sa mga oras na iyon, durog ako, sa pangalawang pagkakatao’y naramdaman ko ang pagkadurog na iyon, at katulad noong unang beses, mag-isa ko itong dinadanas, wala akong kasama, wala akong karamay, marahil dahil hindi pa isinisilang o hindi pa dumarating ang taong nanaising makinig sa mga hinanakit ko sa buhay na hindi tatawa, hindi iaanalisa ang aking persepsyon, hindi hahamakin ang aking mga negatibong alaala, hindi magsasalita, makikinig lang.
marahil, sa pangatlong pagkakataong mararamdaman ko ang ganitong klaseng lungkot at pagkadurog ay sanay na ako, na hindi na ako masasaling o maaapektuhan kahit na ako lang ang tanging nakadarama nito. marahil manhid na ako,
sana, kapag dumating ang pangatlong pagkakataon na iyo’y wala na akong pakialam.
naisip ko na kailangan ko na ding muling umpisahan ang pag-iipon ng lakas. mag-ipon ng lakas na gagamitin ko upang muling umibig at magmahal, ang lakas na gagamitin kong sandalan sa pang-apat na pagkakataong mabibigo ako, katulad sa una,pangalawa at pangatlong pagkabog ng aking puso at pagsuko sa tawag ng pag-ibig…
alam ko na sa pang-apat ay maaaring muli akong masasaktan at mabibigo. at iyon ang bagay na paghahandaan ko.
muli akong magmamahal, alam ko… at lahat ng iniipon kong lakas ay lalakipan ko ng paniniwala, at iyon ang ibibigay ko sa babaeng muling magpapatibok sa puso kong kailangan ko munang patulugin at pagpahingahin.
dahil iyon lamang ang tangi kong maibibigay sa kanya. darating siya, alam ko, kung kailan, walang nakakaalam.
Nahiga ako sa kama at sinaksakan ng headset ang tenga ko. pinihit ko ng todo ang volume. at muli kong dinama ang sakit at lungkot. ito na muna ang huli, tsaka na ang susunod.
ipinikit ko ang mga mata ko at pagkatapos ng perfect cry na iniyak ko sa gitna ng malungkot na girlhood ko noon, pagkalipas ng labing anim na taon ay muli itong tumulo sa aking mga mata…