Lunes, Hulyo 18, 2011

Secret Letter

November 10, 2010

Beautiful,

Matagal tagal na din akong naghihintay sa iyo, marami ang nagsasabi sa akin na darating ka, malapit na kaya nag-aabang ako. Lagi akong nakatayo dito sa kanto, inaabangan ka... ilang yosi na din ang nahithit ko at iniiwasan kong tumingin sa orasan. Ayoko kasing malaman na matagal na pala mula nang magsimula akong maghintay sa pagdating mo. Malapit na kasing malanta ang rosas na hawak ko na balak kong ibigay sa iyo, kusot kusot na din ang papel na sinulatan ko ng isang tulang babasahin ko kapag nagkita na tayo. Natutunaw na din ang tinta ng ballpen dahil sa madalas siyang mabasa ng pawis ko. Ang tagal tagal mo... pero huwag kang mag-alala, maghihintay ako hanggang sa tuluyan kang maligaw dito sa kalyeng ito na pinag-aabangan ko sa iyo.

Alam mo ba na ilan na din ang dumaan dito, inakala kong ikaw na sila, ngunit nagkamali ako. Dahil dumaan lang sila at umalis din, hindi kasi nila maintindihan ang isang bahagi ko na kapag ipinakita ko na sa kanila'y laging nagiging dahilan ng kanilang paglayo. Nililisan din nila ako, umaalis din sila, at lagi nila akong iniiwanan ng pait at sakit sa dibdib. Minsan tuloy naiisip ko na hindi ako sapat para sa kanila, o kaya'y talaga nga bang napakahina kong babae at hindi nila kayang manatili sa buhay ko, iyong pananatiling hindi na sila aalis, hindi na nila ako iiwang mag-isa? Pero hindi, lagi pa din akong nag-iisa. Nakakalungkot, kaya naisip ko na hindi sila Ikaw, dahil alam ko na Mamahalin mo ako, alam ko na iingatan mo ako at uunawain, kikilalanin mo ako at hinding hindi mo ako sasaktan.

Mamahalin mo ako.

Kaya kahit gaano pa katagal, hihintayin kita dito. Hindi ako aalis. Darating ka, naniniwala ako doon.

Noong nakaraang August may isang babaeng napadaan dito, saglit na nakipagkwentuhan sa akin at nahulog ako sa kanya, dahil inakala ko na siya ay Ikaw na hinihintay ko. Ngunit hindi, dahil ibang direksyon ang tinahak niya pagkatapos, napadaan lang siya saglit, dahil katulad ko'y kapwa kami naghahanap ng makakausap. Kapwa kami malungkot, ngunit hindi kami pinagtagpo ng kalungkutang iyon, sa halip, iyon pa ang naging dahilan kung bakit hindi niya ako magawang mahalin.

Kaya't nang lumakad na siya palayo'y wala na akong nagawa, pinagmasdan ko na lamang ang kanyang paglisan. Gusto ko siyang pigilan ngunit alam kong hindi siya mananatili sa buhay ko kahit kailan.

Isa lamang siya sa mga napadaan...

Ayokong mainip, umaasa akong darating ka, kaya nga kaht na ilang bagyo pa ang dinanas ko dito, nanatili akong nakatayo, pinipilit ko pa ding palakasin ang sarili ko para sa pagdating mo. Nakakapagod, ngunit hindi ako susuko. Hindi kita isusuko, at sigurado ako na sa pagdating mo, magiging masaya na ako, hindi mo na ako hahayaang mag-isa at lumuhang muli. Ikaw ang yakap na magkakanlong sa akin, ang halik na papawi sa lahat ng takot ko at pag-aalinlangan.

At nangangako akong mamahalin kita ng higit pa sa unang beses, sa pangalawang beses at pangatlong beses akong nagmahal, ikaw ang pang-apat na babaeng iibigin ko at sa iyo ko iaalay ang lahat lahat ng mga pirasong natira sa akin mula sa pagkabasag na dinanas ko sa kanila at sa lahat ng taong nanakit sa akin.

Ikaw ang magliligtas sa akin, at iibigin mo ako, hindi dahil sa kailangan kita kundi dahil sa kailangan mo ako, aangkinin mo ako para sa kanilang lahat na tumalikod at nang-iwan sa akin. Ikaw ang itatangi ko sa lahat.

Kaya maghihintay ako sa iyo.

Sa ngayon, hindi ko pa alam kung anong hitsura mo, kung malambing ka ba katulad ni Celine, kung Matalino ka ba at maganda katulad ni Hazel, kung kasing misteryosa mo ba si Andrea... kung tsinita ka ba o may malaking mata, kung maputi ka ba o morena, hindi din naman iyon mahalaga...

Malapit ng magpasko, ipinagdadasal kita alam mo ba? sana ikaw ang maging christmas gift sa akin ng Diyos, sana ang pagdating mo ang bubungad sa akin sa pagbubukas ng bagong taon.

Sana...

Sana dumating ka na... Hihintayin kita.



E.I.P.B